Bayan Patroller ibinahagi ang rescue video sa Iligan City


Napadaan lamang ang barkong MV Yanga, 12 kilometro ang layo sa baybayin ng Iligan City, nang makita nila ang mga taong lumulutang at humihingi ng saklolo.

Agad silang sinagip nina Edberto Calungsod at ng iba pa niyang kasamahang marino.

Sa mga larawan makikita ang mga nauna nilang sinagip.

Isang lalaki at isang babaeng nakasuot ng kulay pink ang makikitang nakapatong sa sanga ng puno.

Makikita naman sa video ang mga nasagip nilang mag-anak na isinakay sa rescue boat ng barko.

Sa hindi kalayuan ay makikita ang 2 taong nakalutang.

Dalawang bata pala ang mga ito na sinagip nila gamit ang salbabida.

Isang babae rin ang kanilang nakitang nakahawak sa sanga ng puno.

Isinalya ng mga marino ang salbabida at humawak dito ang babae na biglang napaiyak nang maisakay sa rescue boat.

Isa pang nakaligtas na babae ang hindi rin tumitigil sa pag-iyak hanggang makalapit na sila sa barko.

Sa kabuuan, umabot sa 5 bata at 3 matanda ang kanilang nasagip.

Kasama ang Patroller, pinagpahinga muna ang mga nasagip sa barko at inihatid sa Coast Guard makalipas ang ilang oras. Jenny Reyes, Patrol ng Pilipino

12/22/2011 11:42 PMBookmark and Share