Bangkay ng batang ‘di naagnas, dinadayo sa Camarines Sur


Taong 2008 nang mamatay ang mag-iisang taong gulang na si Russel "CJ" Marco dahil sa matinding lagnat at kumbolsyon.

Inilibing siya sa Pasacao Public Cemetery, pero noong Lunes, nagulat ang mga trabahador na gumagawa ng kalsada sa loob ng sementeryo.

Habang binubungkal nila ang nitso ni CJ, nadiskubre nilang buo pa at hindi naaagnas ang kanyang katawan.

“Pagbukas namin, walang galos ang bata, ipinaalam ko kaagad sa sepulturero,” ani Enriquito Pato, ang nakadiskubre ng bangkay.

Hindi rin nalagas ang buhok at balat ng bata at wala ring masangsang na amoy. Pati ang dating nag-embalsamo sa bata,  nagulat.

“Dapat po isang buwan pa lang agnas na siya dahil bata pa, pero nakakagulat, 3 taon na siyang patay, ang tigas pa rin, himala po, 'di ba,” anang embalsamador na si Domingo Bonde.

Sa halip na ipalibing ulit dinala ng pamilya sa kanilang bahay ang mga labi ni CJ. Nilagyan pa ng pera ang mga bulsa at ang gilid ng ulo sa paniniwalang suwerte ito.

"Halong tuwa po at ano... siyempre matapos ang dalawa't kalahating taon makikita pa namin siya. Disyembre pa," ani Maricel Marco, ina ni CJ.

Ngayon, isinilid ng mga magulang sa mala-glass coffin ang mga labi ni CJ. Dinadagsa ito ng mga residente na naniniwalang nakakagaling ito ng may sakit.

“Pinabalik siya muli para sa isang misyon, sabi ko sa kanya, Nonoy, pagalingin mo ang mata ko,” anang residenteng si Francia Bejerano.

Ayon naman sa simbahan, hindi pa puwedeng sabihing nagmimilagro ang bata. Kailangan pa itong imbestigahan ng Vatican.

Abiso naman ng health center ng Pasacao, ilibing agad ang biktima dahil posibleng nagdadala ito ng mga dumi na makakasama sa kalusugan. Mylce Mella, Patrol ng Pilipino, Camarines Sur