Dumaguete, naniragasa ng tubig at putik
Mula sa bubong ng apat na palapag na Foundation University, nakatayo si Bayan Patroller Mark Anthony Besario, na kumuha ng video.
Kitang-kita ang rumaragasang tubig na halos abutin na ang bubong ng mga bahay sa paligid. Inaanod ang mga troso, kahoy, mga basura, at maya-maya pa'y isang bahay-kubo na ang inanod at nawasak sa rumaragasang tubig.
Dalawang lalaki naman ang nagsasalba ng isang refrigerator habang ang ibang residente ay nanonood mula sa bubong ng kanilang mga bahay.
Ang iba nama'y tinulungan na ang ibang kapitbahay na makababa ng kanilang bubong gamit ang isang hagdan.
Ayon kay Besario, wala pang isang oras, tumaas na ang baha.
"Iyong mga tao na nag-rescue, iyon ay mga working students po na nagstay-in lang sa Foundation University. Tapos may isa din guard na tumulong din po tapos iyong iba mga residente. Tapos iyong mga tao na ni-rescue po pinapasok na lang po sila sa campus," sabi ni Besario.
Sa ibang parte naman, makikita ang isang mag-anak na tinulungan ng mga lalaki na makapunta sa isang bubong.
May isa pang lalaking nasa baha, ang hatak-hatak ang isang tali para makatawid, at isa pang tumuntong na sa isang pedicab upang maiangat ang sarili sa tubig.
Hanggang loob ng mga bahay ay pinasok na ng rumaragasang baha, at nasira na rin ang ilang railings.
At habang kinukuhanan ni Besario ng video ang mga eksenang ito, pinasok na rin ng baha ang bahay nila. Stanley Palisada, Patrol ng Pilipino
12/27/2011 12:37 AM







