EXCL: Gesta, tinalo ang Colombian na si Cuero

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Tinalo ng 24-anyos na si Mercito "No Mercy" Gesta ang boksingerong si Oscar Cuero ng Colombia sa ten rounds lightweight bout sa Mandalay Bay Event Center.

Asintado ni Gesta ang laban, kaya't second round pa lang, isang matinding uppercut at hooks ang pinakawalan niya.

“I kinda like, tried to know his style. I’m still waiting for my timing, I couldn’t find it,” ani Gesta.

Ayon naman kay Vince Parra, ang trainer at co-manager ni Gesta, “The guy was difficult, he held, he wasn’t really there to fight. I think he was more there to survive.”

Sa ikalimang round, panay pa rin ang yakap ng Colombiano tuwing tatama ang suntok ni Gesta kaya't dito na pinagsabihan ng referee si Cuero.

Sa ikapitong round bumagsak ang Colombian dahil pinaulanan na ito ng malalakas na body shots ni Gesta. Dito, 'di lang yakap kundi sinunggaban na ni Cuero si Gesta.

“I was just laughing. What happened, this is not wrestling, this is boxing!” sabi ni Gesta.

At sa ikawalong round ng laban, isang malakas na right hand punch ang tuluyang nagpabagsak sa Colombian. Nanatiling undefeated si Gesta sa record na 25 wins at 13 knock outs.

“Nakuha naming mapababa, mula sixth pababa, pero umabot pa ng eighth kasi nga sa ginawa niya na panay ang yapos niya kay Mercito,” sabi ng tatay ni Mercito.

Hinamon naman ni Gesta ang nakalaban ni People's Champ Manny Pacquiao na si Juan Manuel Marquez.

“If he’ll give me a chance, I’ll fight him,” ani Gesta.

Ang panalong ito ni Mercito Gesta ay hudyat na handa na ang Cebuanong boksingero sa mas malaking kalaban. Umaasa itong mabibigyan siya ng Top Rank promotions ng world title shot ngayong taon. Bev Llorente, Patrol ng Pilipino, Las Vegas, Nevada

04/16/2012 11:13 PM