Ika-2 Pac-Bradley match 'di pa kasado: Top Rank


Sa isang official statement ng WBO, nagtalaga na ang WBO ng limang hurado para sa imbestigasyon at pagsuri ng score sa kontrobersyal na talo ni Congressman Manny Pacquiao.

Ang limang huradong napili ay galing pa sa iba't ibang parte ng America at Puerto Rico.

Confidential ang magiging decision ng limang hurado at tanging WBO lang ang makakaalam nito.

Dagdag pa ni WBO President Paco Valcarcel, isusumite niya ang request sa Hulyo para sa isang meeting ng Association of Boxing Commission na kumuha ng mga hurado sa labas ng estado partikular na sa world title contest.

Dahil noon pa man daw ay nagsumite na si Valcarcel ng mga posibleng hurado sa Nevada State Athletic Commission -- 20 hurado pero wala sa kanila ang napili.

Wala rin daw balak na kunin ng WBO ang belt kay Bradley dahil hindi ito kasalanan ni Bradley.

Ayon naman sa Nevada State Athletic Commission, karapatan ng WBO ang anumang imbetigasyong gawin at hindi sila magiging hadlang dito.

"They can do what they want, but it's a closed issue to us,” sabi ni Bill Bradley, commissioner ng NSAC.

"Those rules and regulations do not impact in what we do," sabi naman ni Pat Lundval, isa pang commissioner ng NSAC.

Samantala, kinumpirma ng Top Rank na hindi pa kasado ang rematch sa November 10 ng Pacquiao-Bradley dahil kailangan pa raw makausap ni Bob Arum si Manny Pacquiao bago ituloy ang anumang negosasyon. Bev Llorente, Patrol ng Pilipino, Las Vegas, Nevada

06/20/2012 11:49 PM