Pacquiao gusto ang estilo ni Margarito


Gaya ng suot niyang matingkad na polong dilaw, masigla si Congressman Manny Pacquiao nang humarap sa media sa Beverly Hills Hotel sa Los Angeles, kasama ang Mexicanong si Antonio Margarito, ang kanyang makakatunggali sa Nobyembre 13.

Ayon kay Pacman, magandang laban ang inaasahan niya sa dating welterweight champion na kilala sa estilong sugud nang sugod at malalakas na suntok.

Kitang-kita ang halos 5 pulgadang tangkad ni Margarito kay Pacquiao. Ayon kay Pacman, tulad ng laban niya kay Oscar Dela Hoya ay pag-aaralan niya ang istilo ng kalaban at dadaanin sa bilis ng galaw at suntok.

Ayon kay Manny, naniniwala siyang alam ni Margarito na may ilegal na bagay sa kanyang hand wrap nang mahuli noong 2009 kaya't nasuspindi ng isang taon ang Mexicano. Pero kailangan bigyan ng ikalawang tsansa si Margarito.

"I like his style. It makes me focused and concentrate in this training camp. Perfect," ani Pacquiao.

Hiling naman ni Margarito, kalimutan na ang nakaraan at pagtuunan ng pansin ang hinaharap na laban.

May bagong trainer ngayon si Margarito, si Robert Garcia. Tinanggal ni Margarito ang kanyang dating trainer na sinabi niyang naglagay ng ilegal na bagay sa kanyang benda.

"I also wanna thank the Commission of Texas for licensing me and to everyone especially the fans, thank you," ani Margarito.

Lalaban para sa record na ika-walong world title si Pacquiao, ang WBC 154-pound championship.  Nakatakda ang laban kay Margarito sa catch weight na 151 pounds.

Mula sa Los Angeles, lilipat sa New York ang press tour nina Pacman at Margarito. Huling tigil nila ang Dallas Cowboys Stadium, kung saan idaraos ang bakbakan.

Ayon kay  Pacquiao, nami-miss na rin niya ang boxing kaya excited siyang sumabak muli sa ensayo para paghandaan si Margarito.

Unang laban rin niya ito bilang isang congressman kaya't gusto ring patunayan ni Pacman na kaya niyang pagsabayin ang politka at sports. -- Dyan Castillejo, Patrol ng Pilipino

09/02/2010 12:23 AMBookmark and Share