Street soccer team ng Pilipinas, masayang umuwi sa bansa


Nakauwi na ng bansa ang RP Street Soccer Team mula sa pagsabak sa Homeless World Cup sa Rio de Janeiro. Ang Homeless World Cup Team ay binubuo ng mga kabataang galing sa mga mahihirap na pamilya.

Nagtapos sa ika 25-pwesto ang Pilipinas mula sa 56 na bansa. Ito na ang pinakamataas na puwesto na naabot ng Team Philippines mula nu'ng sumali sila 3 taon na ang nakalilipas. Bahagi rin ang Team Philippines sa nagwaging division sa Host Cup. Hindi biro ang panalo na ito dahil dinaig nila ang maraming bansa na mas kilala sa larangan ng football gaya ng South Korea, Argentina, Germany, Finland, at Norway. Malaki ang pasasalamat ng mga batang napasali sa koponan ngayong taon dahil sa pambihirang pagkakataong maging kinatawan ng bansa.

“Salamat po sa lahat ng sumuporta at nagbigay ng tulong, para sa atin po ito. Nagpapasalamat po kami sa lahat po ng sumuporta at nagbigay ng tulong sa amin. Para sa atin po ito,” ani Mark Marvila na miyembro ng koponan.

Aminado ang team na lahat ng kalaban nila pawang magagaling.

“Kahit na gano'n sila kasikat, hindi pa rin tayo nagpatalo. Inisip lang namin pare-pareho lang tayong tao, laban! Lumaban lang kami,” dagdag pa ni Marvila.

May mensahe din sila sa mga batang kalye na gaya nila ay naligaw ng landas.
   
“Sa mga kabataang nawawalan ng pagasa, kung alam niyong naliligaw kayo, 'wag niyo ituloy. Maniwala kayo na darating ang panahon na may pagasang makakamit,” giit ni Marvila.

Sa Nobyembre magsisimula nang mag-ikot ang koponan para maghanap ng mga miyembro na bubuo sa 2011 team na lalaban naman sa Paris. TJ Manotoc, Patrol ng Pilipino