Salamat sa remittances - Pat A. Sto Tomas

Posted at 03/14/2010 11:29 PM | Updated as of 03/15/2010 12:08 AM

Nakakatuwang malaman na tumaas ang kabuuang halaga ng remittances na pumasok sa bansa mula sa mga Overseas Filipinos noong nakaraang taon (2009). Ayon sa pahayag ng Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kabuuang halaga ng remittances na pumasok sa pamamagitan ng mga bangko at iba pang rehistradong remittance facilities ay umabot sa US$17.3 billion. Ito ay mataas ng 5.6 % kung ihalintulad sa kabuuang halaga na pumasok noong 2008 at mataas kaysa forecast increase ng BSP na 4 % lamang.

Nasabi kong nakakatuwa sapagkat marami sa atin ang nangamba noong early part of last year na maaaring bumagsak ang kabuuan ng remittances dahil nga sa nakikitang economic recession na tumama sa ibang mga bansa na maaaring makaapekto sa mga kumpanya doon at sa trabaho ng ating mga OFWs.

Nangyari man ito at totoong mayroong mga OFWs na naapektuhan subalit ang pinanga-ngambahan ng marami ay hindi nagkatotoo. At patunay nga dito ang halos steady in-flow ng remittances mula Marso hanggang Septyembre kahit pa ba ito ay bumaba ng kaunti noong buwan ng Agosto.

Ang mga numero sa ibaba ay magbibigay ng larawan ng remittances in-flow buwan-buwan noong nakaraang taon kasama na ang larawan ng pagpasok ng remittances sa nakalipas na limang taon simula 2005.

Overseas  Filipino Remittances
For the Periods,  Indicated
In Million US Dollars
  Levels Year – on – Year
Monthly Cumulative Monthly Cumulative
2005 Dec. 961.90 10,689.00 10.70 25.60
2006 Dec. 1,319.50 12,761.30 37.20 19.40
2007 Dec. 1,397.00 14,449.90 5.90 13.20
2008 Dec. 1,407.70 16,426.90 0.80 13.70
2009 Jan. 1,265.50 1,265.50 0.10 0.10
Feb. 1,320.00 2,585.50 4.90 2.50
March 1,471.50 4,057.00 3.10 2.70
April 1,441.70 5,498.80 2.20 2.60
May 1,482.20 6,980.90 3.00 2.80
June 1,498.70 8,479.70 3.30 2.90
July 1,494.00 9,973.70 9.30 3.80
August 1,369.10 11,342.80 2.80 3.70
September 1,446.90 12,789.70 8.60 4.20
October 1,531.30 14,321.00 6.70 4.50
November 1,459.20 15,780.20 11.30 5.10
December 1,567.90 17,348.10 11.40 5.60

Marahil kung ang lahat ng ating mga OFWs ay nagpapadala ng pera sa mga pamilya dito sa pamamagitan ng mga bangko at mga rehistradong remittance facilities siguro lalo pang malaki itong kabuuang halaga ng officially recorded remittances o foreign exchange earnings ng bansa. Dahil ayon sa aking mga kakilalang OFWs marami pa rin sa ating mga kababayang nagtatrabaho sa ibang bansa ang nagpapadala ng pera sa kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng mga kasamahan sa trabaho na umuuwi na o magbabakasyon.

Kaya siguro kung mayroon tayong mga 300,000 OFWs na umuuwi o nagbabakasyon sa loob ng isang taon at ang bawat-isa ay may bitbit na padala na mga US$500, mayroon tayong mga US$150 million na pumapasok subalit hindi naka-record at nakakadagdag sa foreign exchange earnings at reserves ng bansa.

Kung atin ding iisipin na itong mga pauwing OFWs ay may bitbit din na mga sariling pera na sabihin na lang natin nagkakahalaga ng mga US$1,500 bawat isa, mayroon pang pumapasok na mga US$450 million na hindi recorded bilang bahagi ng foreign exchange earnings ng bansa.

In short mayroon pang pumapasok na mga kalahating bilyong dolyar mula sa ating mga OFWs na hindi naka-record bilang foreign exhange earnings ng bansa. Kung ang halagang ito ay pumapasok sa pamamagitan ng mga bangko o official remittances channels sa tingin ko ay mas malaki pa ang maitutulong ng kita ng ating mga OFWs sa ating ekonomiya upang lalong maging stable and resilient ito kahit na ba may nangyayaring economic crisis sa ibang bansa ng mundo.

Ganoon pa man, maraming salamat sa ating mga OFWs sa patuloy na pagpapadala ng remittances through official channels.

At ganoong din sa marami nating mga kababayan na kahit sila ay umalis bilang immigrant at ngayon ay mga permanent residents o mamamayan na sa bansang pinuntahan ay Pilipino pa rin sa puso at hindi nakakalimutan ang mga magulang, mga kapatid, mga pamangkin, mga kamag-anak at ilang mga kaibigan dito sa atin. Patuloy pa rin ang kanilang pagpapadama ng pagmamahal sa pamamagitan ng pagpapadala ng remittances kahit hindi naman kalakihan ang kinikita at naiiipon dahil sa mataas na cost of living doon.

Ang remittances na ating ipinapadala through official channels ay nakakatulong ng malaki sa ating katayuan pang-ekonomiya sapagkat ito ay nakapag-papataas ng ating foreign exchange reserves at nakapagbibigay ng kumpyansa sa mga dayuhan at mga namumuhunan na pumapasok at mag-invest dito sa atin. In the process, lalong lumalago ang ating ekonomiya at ito naman ay magbibigay o magbubukas ng panibagong mga trabaho na posibleng pasukan naman ng ating mga anak na bagong tapos sa kolehiyo.

Kaya mahalaga ang patuloy na pagpapadala ng remittances sa pamamagitan ng mga banko at iba pang official channels.

Ating sabihin sa ating mga kaanak sa ibang bansa, sa iba nating mga OFWs na gamitin na ang official channels kung nais magpadala ng pera dito sa atin. Huwag na sa mga kasamahan sa trabaho na magbabakasyon dito at ng sa gayon sila naman ay hindi na ma-abala pa. At may kasiguruhan pa tayo na matatanggap ang padalang pera sa maiksing panahon.

Kahit sa mga pauwi na mga OFWs, idaan na rin sa official channels ang iuuwi o babauning pera kaysa sa ito ay bitbitin o itago sa pitaka o bag habang nagbibiyahe. Posible pa itong mawala o mawaglit at sayang din naman ang ating pinaghirapan kung ito ay mawawala lang. At magiging malungkot pa ang ating pagdating sapagkat mawawalan tayo ng mahalagang bagay na makapagbigay ligaya sa ating mga mahal sa buhay.

At marahil sa mga pauwi na ring mga OFWs pwede rin nating iwasan ang mag-uwi ng mga kung ano-anong pasalubong katulad ng mga pabango, mga damit, mga chocolates at pagkain, mga eletronic gadgets, de lata at kung ano-ano pa. Pwedeng ang budget na nakalaan dito ay i-remit nyo na lang sa banko at pagdating dito sa atin ay i-withdraw ito upang mamili ng mga bagay na ito sa Duty Free Shops sapagkat halos pareho lang naman ang mga presyo. Maliban sa kayo ay hindi na maaabala sa pagbitbit ng mga ito at pag-check-in at paglabas sa airport na marami at mabigat ang mga dala-dalahin mapapaligaya pa ninyo ng husto ang mga bata kung sila ay inyong maisasama sa Duty Free Shop.

Kaagad ay makapagsimula ang maayos na bonding ng magulang at mga anak. At ang pagbili ng mga bagay na ito dito sa atin ay makakatulong pa sa pagiging robust ng ating merkado at ekonomiya.

Naging mabusisi yata ako sa pagbanggit ng mga bagay na ito. Subalit ang maliliit na mga bagay katulad ng ating nabanggit ay malaki ang magagawa para mapataas pa natin ang recorded remittances na natatangap ng bansa. Wala namang negative effect sa atin bagkus ito ay nakakatulong pang mapabuti ang ating sitwasyon at ang kapakanan ng ating mga pamilya.

Ating panatilihin ang paggamit ng bangko o mga official channels sa pagpapadala ng remittances sa ating mga pamilya. Kami sa Development Bank of the Philippines ay may programa para riyan. Kung kayo ay interesado puntahan ninyo ang aming website http://www.devbankphil.com.ph/ para sa mga detalye.

Salamat sa remittances. Malaki ang maitutulong nito para mapabuti ang ekonomiya ng ating bansa. Mabuhay ang mga OFWs.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay.


Bookmark and Share

4 comments

Magkano naman ang naipuslit?

Salamat sa OFW...malaking tulong ang remittances...Ang problema naman ay kung magkano ang naipuslit ng mga corrupt officials. Habang nagpapasok ng dollar remittances ang OFW ang mga corrupt officials naman ang kumukuha ng dollar para i-deposit sa foreign accounts nila sa abroad...problema lang wala tayong record dahil hindi naman natin malalaman ang katotohanan dahil patago syempre...galing sa nakaw kasi...Sobrang kapal ng mukha ng mga politicians..kaya nga halos lahat ng laos na artista gustong maging politicians dahil nandoon ang pera...hindi dahil para maglingkod sa bayan..Ang pina malaking problema ang mga Pilipino...matagal ng niloloko..nakangiti pa...majority sa mga Pilipino ay tanga at gago...kaya madaling lokohin..Si Erap nga convicted na corrupt policitian pero madami pa din gustong siyang iboto na Presidente muli...Ano ang ibig sabihin nito? Simple lang aside from tanga at gago (majority) walang delikadesa at integridad ang mga ito...Kawawa naman ang mga Pilipino (minority)...walang magawa..ang sakit pa nito sila pa ang halos nagbabayad ng taxes...Dapat palitan na ang lyrics sa "Pambansang Awit" iyong "Ang mamatay ng dahil sa iyo" gawin nating "Ang Pumatay ng dahil sa iyo"...Habang walang corrupt politicians na napapatay walang magbabago sa bulok na sistema..corrupt lahat ng iyan...nagbabago lang ang leaders after election pero magnanakaw pa din..kahit sino ang nakaupo...DAPAT ANG PILIPINO MUNA ANG MAGBAGO...PARUSAHAN MUNA NILA ANG CORRUPT OFFICIALS (HINDI PURO ANGAL SA SALITA) DAPAT PATAYIN ANG MGA CORRUPT OFFICIALS PARA HINDI PARISAN....AT TULUYANG GUMINHAWA ANG BUHAY...NPA,CPP AT MNLF...INUTIL LAHAT ITO...MGA MAGNANAKAW DIN SILA..

Equalizer

equivalent to P780 billion

P780 billion ang katumbas na halaga sa piso ng remittances ng overseas Filipinos noong 2009 (exchange rate na 45 to 1). lampas kalahati yan ng budget ng gobyerno sa taon rin na iyon. yan ang dahilan ng malakas na consumer spending sa ating ekonomiya. ang kabutihan sa remittances ay diretso iyan sa bulsa at pitaka ng mga pamilyang pilipino. malaking bahagi niyang 780 billion ay sa gastusin na pang-araw-araw napupunta tulad ng pagkain, gamot, pamasahe at pambayad sa kuryente, tubig, telepono at cellphone load. kaunti lang ang naitatabi at doon sa kaunti na iyon, merong napupunta sa pagpapagawa ng bahay, pagbili ng lote at gastos sa matrikula ng mga nag-aaral na bata. malaki iyang 780 billion pesos. sa susunod na taon, forecast ng bangko sentral ay aabot sa 18 billion dollars ang remittances ngayong 2010. sa 45 to 1 na palitan, yan ay 810 billion pesos.


Sana lang

5

Sana man lang magpakita ang ating gobyerno ng tulong sa mga inaaping OFWs abroad para hindi tinatapak-tapakan ang mga OFWs ng ibang lahi sa abroad. Labor rights na po ng manggagawa ang tinatapakan hindi pa tayo gagalaw? Mabagal o wala pa ring aksyon ang ating government officials sa naturang OFW issues. Pinaghihirapan po ng mga OFWs ang bawat dolyar na kinikita nito sa abroad, hindi ito pinupulot lamang sa isang tabi. (Ref: POEA Legal case no.09061213, Docket & Enforcement Division; DOLE-NLRC case no.NCR-04-06235-09)


Ok na sana

5

Isang patunay na ang OFWs ay talagang nakakatulong sa ekonomiya ng ating bansa. Sa isang banda, ang serbisyong ibinibigay ng OWWA, POEA, at DOLE sa mga OFWs ay hindi sapat. Isang taon na po sa April 2010 ang labor case na idinulog ko sa POEA at DOLE-NLRC, wala pa rin itong resulta. Ang hirap pa ay wala kaming karapatang mag-follow-up sa mga naturang ahensya. Antayin na lang daw ang mga liham o decision na ipadadala sa aming tahanan. Ilang taon po ba bago namin makamit ang katarungan o resulta ng naka-file na labor case sa POEA at DOLE-NLRC? Andyan po't malayang nakakapanloko at nakakapag-paalis ng mga mabibikitimang OFWs ang aming agency na nasa Pasig City. Hindi pa rin pinipigilan ng POEA ang nasabing agency sa kanyang panloloko sa mga kaawa-awang OFWs. Ang OFWs po na tinutukoy ko ay makararamdam ng pang-aagrabyado pagdating sa nasabing bansa sa abroad. Wala rin pong silbi ang mga POLO-OWWA officials natin sa nasabing bansa, mistulang takot ang mga itong sitahin ang nasabing employer.



Links