Bayan ng mga Alipin? - Pat Sto. Tomas
Naging isang controversial issue noong nakaraang ilang linggo ang isang artikulo na sinulat ng isang Hongkong Chinese na si Chip Tsao at inilathala ng HK Magazine sa kanilang print at on-line editions kung saan ay nasabi ni Tsao na isang bayan ng mga alipin ang Pilipinas. Itong artikulo ni Tsao ay nag-ugat doon sa ating claim sa ilang bahagi ng Spratlys Group of Islands na ayon naman sa pamahalaang China ay bahagi naman ng kanilang teritoryo. Ayon kay Tsao ang pagsabi daw ng ating pamahalaan na magpadala ng mga gun boats upang depensahan ang ating claim doon sa bahagi ng Spratlys Group of Islands ay isang kahindik-hindik na pananakot mula sa isang mahirap na bansa na ang karamihan ng mga mamamayan ay mga alipin lamang. At kanyang binanggit ang mahigit daw sa 130,000 Filipinos na nagtatrabaho sa Hongkong bilang mga domestic helpers at kumikita lamang ng kakapiranggot na 3,580 Hongkong Dollars o mga $400 sa isang buwan. Sabi ni Tsao ang balitang ito ay nagpainit sa kanyang dugo bilang isang patriotic Chinese kaya kanyang tinawag si Louisa, ang kanyang “domestic assistant” na nagtapos ng international politics sa University of Manila at ito ay binigyan ng lecture. Sinabihan daw niya si Louisa na kung ito ay umaasa ng dagdag na sahod sa susunod na taon dapat lamang na kanyang pagsabihan ang kanyang mga kababayan sa Statue Square sa darating na linggo na ang kabuuan ng Spratlys Group of Islands ay bahagi ng China. At kung sakali daw na magkaroon ng digmaan ang Pilipinas at China, kanyang pauuwiin agad si Louisa sa Pilipinas sapagkat ayaw niyang maging traydor sa kanyang bansa sa patuloy na pag-eempleyo ng isang kalaban at ang pagbayad dito upang linisin ang kanyang kubeta at mga bintana ng kanyang bahay ng labing anim na oras araw-araw. Masakit daw isipin na sa kanyang ipinasasahod kay Loiusa ito daw ay magbabayad ng tax sa ating pamahalaan na gagamiting naman ng Philippine navy upang i-invade ang kanyang “motherland.” Ang sabi daw niya kay Louisa: “As a nation of servants, you don’t flex your muscles at your master, from whom you earn most of your bread and butter.”
Kung ating paiiralin ang ating damdamin talagang masakit nga itong mga sinabi ni Chip Tsao. Kaya hindi kataka-taka na marami sa ating mga kababayan lalo na yung mga OFWs doon sa Hongkong ang mga nag-protesta. Kasama na rin ang maraming opisyales ng ating pamahalaan at mga kababayan sa larangan ng journalism. At ang ating Bureau of Immigration ay nagpalabas ng isang kautusan na naglagay kay Chip Tsao sa immigration blacklist bilang isang undesirable alien at hindi pwedeng pumasok sa ating bayan.
Nang dahil sa mga protestang ito ang HK Magazine ay humingi ng paumanhin sa ating pamahalaan at ng bandang huli si Chip Tsao na rin mismo ay humingi din ng paumanhin at pumunta pa ito sa ating Konsulada sa Hongkong upang ito ay kanyang personal na ihayag sa mga opisyales ng ating konsulada.
Ngayong nakalipas na ang mga ilang linggo at matapos humupa ang mga maiinit na damdamin ng marami sa atin, minabuti kong banggitin ang isyung ito sa ating kolum hindi upang painiting muli ang ating damdamin kung hindi upang pagmuni-munihan itong masakit na realidad at ng sa gayon tayo naman ay makapag-isip ng mga pamamaraan upang mapabuti ang kalagayan ng ating bansang Pilipinas. Talagang masakit na tayo ay pagsabihan ng isang bansa ng mga alipin subalit totoo naman na ang Pilipinas ay naging isang mahina at napag-iiwanang bansa sa Asia. Subalit kung ating babalikan ang nakaraan, aking naalala na nung ako ay nasa high school noong late fifties and early sixties aking nababasa sa mga pahayagan at mga magazine na ang Pilipinas ay sumusunod sa Japan in terms of development sa kubuuang Asia. Naaalala ko noon na ang ating mga katabing bansa sa Asia ay dito pumupunta upang matuto sa mga bagay-bagay at dito pinapa-aral sa ating mga kolehiyo at unibersidad ang kanilang mga kabataan na siyang maaaring mamuno sa kanila sa mga darating na panahon. Katulad na lamang halimbawa sa larangan ng agrikultura kung saan noon ang mga kabataan ng ating mga katabing bansa ay pumipila upang mag-enroll sa UP Los Banos at matuto sa epektibong pamamaraan ng rice production. Ngayon tayo na ang masugid na taga-bili ng kanilang mga rice production. Bakit nagkaganito ang sitwasyon?
Akin ding naaalala na ng ating inumpisahan ang overseas employment program noong mid-seventies ito ay isang ad-hoc program lamang upang mabigyang lunas ang increasing unemployment dala ng pagtaas ng ating populasyon. At noon ang focus ay nasa semi-skilled at partly skilled sectors ng ating working population. Wala noon sa konsepto ng overseas employment ang madamihang paglabas ng female workers maliban sa mga tunay at highly qualified at skilled entertainers sa larangan ng pagkanta o bilang bahagi ng mga dance troupes.
Subalit dala marahil ng paghina ng ating ekonomiya at ng ating development process naging iba na ang configuration ng overseas employment ng marami sa atin. At ito ay pinalubha pa ng sobrang pag-engganyo sa karamihan sa atin ng dollar bilang pasahod. Kaya marami ang nahihikayat na lalo pang umalis kahit na mayroon namang trabaho dito sa atin at kumikita naman ng sapat sa pangangailangan. Katulad na lamang halimbawa ng mga marami nating mga guro at mga office clerks na umaalis sa trabaho upang maging domestic helper sa ibang bansa. O di kaya ay mga bagong graduates sa kolehiyo na hindi makapag-hintay sa employment breaks dito sa atin at madaling nahihikayat ng mga matatamis ang dila na mga recruiters kasama na ang pangakong mataas na sahod na dolyar upang maging biktima lamang pala ng mga human traffickers at hahantong sa prostitusyon sa ibang bansa.
Marahil makakatulong kung ating titingnan ang mga masasakit na sinulat ni Chip Tsao bilang isang salamin na nagpapatotoo lamang sa isang masakit na katotohanan na kinasasadlakan ng ating bansa na sa mga nakaraang panahon ay hindi natin nakikita o iniiwasang makita. Ngayon atin ng nakikita ang masaklap na katotohanan ano ang ating maaaring magawa? Maaaring sa ilan sa atin ang problemang ito at ang ano mang pagkakamali sa nakaraan ay isisisi sa ating pamahalaan. Subalit ang masakit na katotohanan ay ang ano mang problemang kinakaharap ng bansa ay hindi problema na maaaring lutasin lamang ng pamahalaan. Ito ay problema ng sambayanang Pilipino at kailangan ang tulong ng bawat isa sa atin upang mabigyang lunas ang mga problemang ito. Ating tingnan ang ating mga sarili at baka sakali ating makikita sa atin mismo ang mga kalutasan sa mga problemang ating kinakaharap. Lalo na ang pagbago sa masakit na bansag na tayo ay bayan na mga alipin.
Maraming Salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay.
Email address: stotomaspat@gmail.com