Ang Kahalagahan ng Pagkakaisa - Pat A. Sto Tomas

Posted at 06/21/2009 2:06 AM

Noong nakaraang June 12 ay ating ipinagdiwang ang ika-isang daan at labing isang taong anibersaryo ng declaration of Philippine Independence. Kung ating babalikan ang araw na yon parang naging kaiba ang nangyaring pagdiriwang sapagkat wala sa traditional flag raising ceremony sa Rizal Park sa Luneta ang ating Pangulo. Siya ay nandoon sa flag raising ceremony sa Rizal Park din subalit ito ay sa Koronadal City sa South Cotabato. Marahil ito ay kanyang ginawa upang pahalagahan ang papel na ginampanan ng Mindanao sa kabuuang pag-unlad ng ating bansa. Ang nandoon sa Luneta ay ilang mga cabinet officials na pinangunahan ni DENR Secretary at dating Manila Mayor Lito Atienza. Nandoon din si Manila Vice Mayor Isko Moreno na nagsabi na siya ay nalungkot dahil sa parang nabahiran daw ng pulitika ang selebrasyon. At sa mga palagian na pumupunta sa Luneta upang makibahagi sa taunang selebrasyon kanila ding na-miss ang traditional Independence Day parade.

Kaya parang hindi minabuti ng ilan ang nagdaang Independence Day celebration. Sabi ng isa kong kaibigan, parang pinahalagahan pa ng marami ng ating mga kababayan ang pumunta sa mga mall kaysa paglimi-in ang kahalagahan ng araw na ito para sa atin. At ito, ayon sa kanya, ay ipinapakita ng kawalan ng mga bandilang dati-rati ay buong pagmamalaking isinasabit ng marami nating mga kababayan sa harap ng kanilang mga bahay. Kaya ang tanong ng aking kaibigan: Ito daw ba ay palatandaan ng bumababaw ng pagmamahal sa ating bayan at sa pagbigay pansin ng marami na sa atin sa mga pansariling interest lamang? At kanyang binanggit ang mga politiko na nagnanais na kumandidato para sa panguluhan sa 2010 election. Imbis daw na magsama-sama sa Luneta upang ipakita sa mga mamamayan na kaya nilang magkaisa kapag ang interes ng bansa ang naka-atang kahit na sila ay miyembro pa ng iba’t-ibang partido mas minabuti pa raw ng mga ito na magkanya-kanya ng lakad at nagpataasan pa ng papel na ginampanan sa nasabing selebrasyon. Sa mga ganitong nangyayari, ayon sa kanya, mahirap na daw na maabot pa ang tunay na pagkakaisa upang maisulong natin ng todo ang kapakanan ng bansa. Siya daw ay nalulungkot dahil sa pagkawatak-watak ng mga Pilipino lalong napag-iiwanan ang Pilipinas ng mga karatig na bansa sa Asia kung pag-uusapan ang development. At kanyang ikinuwento na nang siya daw ay nasa high school na noong late fifties at early sixties kanya daw nababasa sa mga pahayagan at magazines na ang Pilipinas ay next to Japan sa Asia in terms of development. Kaya siya daw ngayon ay lugmok sa pag-iisip at pagtanggap ng masakit na katotohanan na ang Pilipinas ay napag-iwanan na ng mga karatig nating mga bansa at tayo ngayon ay napapabilang na sa mga least developed countries of Asia. At ito ayon sa kanya ay dahil lamang sa nawawalang pagkakaisa ng mga mamamayang Pilipino lalo ng mga namumuno na pansariling interes lamang ang inaasikaso.

Maaring may mga puwang doon sa obserbasyon ng aking kaibigan subalit sa isang banda ito naman ay may bahid din ng katotohanan. Nang dahil nga sa kakulangan ng pagkakaisa maaring ito ang dahilan at hirap tayo upang maka-agapay at lalo na upang makipag-kompetensya sa ating mga katabing bansa. Naaalala ko tuloy ang mga instances noong ako ay nasa POEA pa na tuwing ako ay pupunta sa Middle East at ito nalaman ng mga foreign contractors na nag-e-employ ng mga OFWs, ako ay kanilang iniimbitahan upang makipag-dinner o lunch. At sa aming mga pag-uusap proud na proud nilang ipinagmamalaki na ang kanilang mga proyekto katulad ng “this building… this bridge… this highway…” at kung ano pang malalaking infrastructure projects ay “…built by Filipino workers.” Kaya nga lang, ito ay may kasunod na katanungan: “How come Filipino construction companies cannot compete with us?”

Oo nga naman. Kung ang mga malalaking proyektong ito ng mga foreign companies ay nagawa dahil sa mga OFWs, bakit nga ba ang ating mga construction companies na noon ay nagsisikap na pumasok sa Middle East – ito ay noong early to mid-eighties – ay hirap makipag-compete sa mga dayuhang kumpanya. Nang ito ay tinanong ko sa kasama ko sa POEA na siyang may hawak ng Worker’s Assistance and Adjudication Office, ang kanyang pabirong sagot sa akin noon ay: “Alam mo, marami sa ating mga OFWs pag ang kanilang boss o supervisor ay dayuhan, lalo na pag ito ay puti, sobra ang kanilang paghanga sa mga ito at sila sobrang masunurin, sila ay nagkakaroon ng sariling pagkukusa at talagang ibinibigay ang buong kakayahan. Subalit pag ang boss ay kapwa Pinoy, ang sabi agad ay ‘maniwala ka dyan, pareho lang natin yan o baka mas magaling pa tayo diyan.’ Kaya iyan, ang performance ng ating mga Filipino companies ay hindi puwedeng maging at par with their foreign competitors”

Maaring biro nga subalit maaaring mayroon ding bahid ng katotohanan. At ito ay dahil lamang sa kakulangan ng pagkakaisa nating mga Pinoy. Sabi nga nila, again pabiro, doon daw sa Estados Unidos o sa Canada, there are as many organizations of Filipinos as there are Philippine provinces represented. Ito kaya ay nangyayari din sa bansang inyong kinaroroonan sa kasalukuyan. Paki-check nga. No, biro lang.

Mahalaga ang pagkakaisa saan man tayo naroroon. Ating bigyang halaga ang ating pagiging Pilipino. At kasama dito ay ang pagbigay halaga sa ating kapwa Pinoy. Sa mga OFWs mahalaga sa pag-protect ng ating kapakanan habang tayo ay nasa ibang bansa ang ating pagkakaisa. Katulad ng kasabihan “United we stand, Divided we fall” pag tayo ay nagkakaisa malaki ang magagawa nito upang mabigyang proteksyon ang ating interes. Ang pagiging concerned sa kapakanan ng ating kapwa OFW na nagkakaroon ng problema, ang pagiging matulungin at ang pagpapa-iral ng pagkakaisa sa ating lahat ay malaki ang maitutulong upang mapaganda ang ating kinabukasan. Pahalagahan natin ang pagkakaisa. Lalo na ng mga OFWs habang nasa ibang bansa. At mas lalo na pag tayo ay nandito sa ating bansa. Ito ang isang siguradong paraan upang maiangat natin ang Pilipinas upang maging kahanay muli ng mga progresibong bansa hindi lamang sa Asia kundi sa buong mundo. Kaya natin ito. Basta tayo ay nagkakaisa.

Maraming salamat sa inyong pagsubaybay.

Email address: [email protected]