Araw ng Pasasalamat - Pat Sto. Tomas

Posted at 07/04/2009 11:49 PM

Noong nakaraang June 7 ay ipinagdiwang ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang 14th Migrant Workers Day. Ang selebrasyon ay nagkaroon ng temang: “Araw ng Pasasalamat: Pagpupugay sa Kakayahan at Talino ng Pinoy Expat.”

Bilang bahagi ng programa at pasasalamat sa kontribusyong naibigay ng mga OFWs sa pag-unlad ng ating bansa, ang OWWA ay naglunsad ng cultural presentations and motorcades sa mga regions kasama na ang livelihood bazaars kung saan naman ay ipinakita ang mga entrepreneurial ventures ng ilang mga OFWs at ng kanilang mga pamilya.

Sa kanyang mensahe sa naturang selebrasyon binigyang pugay ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang ating mga OFWs sa pagsabi na “Through their competence, grit, courage and hard work, they have put the Philippines in the world map, a country known for its skilled and talented manpower.” At hindi lamang yon sapagkat ayon sa Pangulo “The skills and talents of expatriate Filipino workers are today driving the engines of progress and productivity all over the world. On land and on sea, they are Global Pinoys worthy of a nation’s pride. The great Filipino worker, regarded as the World’s Number One, continues to prove to one and all that we are truly above the rest in the international labor market.”

Totoo nga naman. Hindi lamang sa pag-unlad ng ating bansa nakakatulong ang mga OFWs. Malaki din ang kanilang naitutulong sa pag-unlad ng mga bansang kanilang pinagtatrabahuhan. Katulad na lamang halimbawa ng mga bansa sa Middle East na noong mga nakaraang panahon at kahit ngayon pa din ay malaki pa rin ang kakulangan sa mga skilled and talented workers. Marahil kung hindi dahil sa skills and talents ng libo-libong nating mga OFWs – or shall we say mahigit sa milyon na nagtrabaho doon for the past forty or so years at patuloy pa ring nagtatrabaho doon, marahil ay hindi naging ganoon kabilis ang pag-unlad ng mga bansang ito. Katulad ng nasabi ko nga sa isang nakaraang kolum talagang ipinagmamalaki ng mga foreign contractor ang papel na ginampanan at patuloy na ginagampanan ng ating mga OFWs sapagkat kung hindi dahil sa kanilang pagpupunyagi sa trabaho hindi matatapos ng ganoon kabilis at kaayos ang mga malalaking infrastructure projects na nakukuha nitong mga foreign contractors doon sa Middle East. Kaya si Vice President Noli De Castro ay binigyang diin din ang puntong ito ng kanyang sabihin sa kanyang mensahe na “Filipino expatriates who man various key technical and managerial positions in many countries have brought much honor to our country. They have shown the business and industrial communities in their host countries that Filipino professional and skilled workers have one of the best work ethics and the highest standard of professional excellence.”

Subalit hindi lahat sa atin ay nakikita ang ganitong kahalagahan ng papel na ginagampanan ng ating mga OFWs. Ang kaagad na nakikita lamang ng ilan sa atin ay ang gumagandang buhay ng mga OFWs na kapitbahay, ang pagbili ng mga kasangkapang pambahay o di kaya ay sasakyan at ang patuloy na pag-aaral ng mga anak at ang pagtapos ng mga ito sa kolehiyo. Mga bagay na sa ilan sa atin ay pinagkakainggitan lamang at nagiging dahilan ng pagkasira ng pagkakaibigan. Normal lamang ang mainggit sa magandang kapalaran ng ating kapitbahay o kaibigan na OFWs subalit huwag nating gamitin ito upang maging dahilan ng ating pagkahiwalay-hiwalay o pagkasira ng magandang relasyon. Para sa akin mas normal kung tayo ay lalong magiging concern sa kapakanan ng pamilya ng ating kaibigang OFWs sapagkat maari ngang umangat ang uri ng kanilang pamumuhay subalit sa kabila nito maaring ang kanilang mga pamilya ay may nararamdaman na malaking kakulangan sa buhay. At ito ay kakulangan dulot ng absence ng ating kaibigang OFWs na patuloy na nagpupunyagi at nagpapakahirap sa ibang bansa mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang kanilang mga mahal sa buhay lalo na ang mga anak na nais nilang maiahon sa hirap upang hindi maranasan ang kahirapan sa buhay na kanilang pinagdaanan.

Hindi madali ang maging OFW. Ang magtrabaho sa ibang bansa lalo na kung ito ay may malaking pagkakaiba sa kultura at kaugalian na ating kinalakihan ay hindi napakadali. Ang mag-adjust at maki-tungo sa naiibang kapaligiran, ang makisalamuha sa mga kapwa manggagawa mula sa ibat-ibang bansa na iba-iba ang pag-iisip at pag-uugali, ang makitungo sa isang supervisor o employer na iba ang kaisipan at paniniwala at sa kabila nito ay ang patuloy na pagtitiis sa araw-araw na lamang ng maigting na kalungkutan dala ng pagkakahiwalay sa mga mahal sa buhay na hindi makikita sa susunod na isa o dalawang taon. Ito ay isang pahirap na sa araw-araw ay dinaranas at pinagtitiisan ng ating mga OFWs. Masasabi natin na ito ay isang sakripisyo – napakabigat, napakasakit subalit tinitiis ng ating mga OFWs mabigyang katuparan lamang ang mga magagandang pangarap para sa kanilang mga mahal sa buhay. At pagtitiis at paghihirap na may reward din sapagkat iyon nga – napapaganda ang bahay, nakakabili ng mga kasangkapan at napapagtapos sa kolehiyo ang mga anak. Sa ilan sa atin ito lamang ang ating nakikita. At dahil dito kung minsan tayo ay nagkakaroon ng pagkakainggit sa ating nakikitang kasaganaan sa buhay na nae-enjoy ng pamilya ang ating kaibigan o kapit-bahay na OFWs. Huwag naman. Dahil sa likod ng kaginhawahang kanilang tinatamasa at ating nakikita ay ang paghihirap at pagtitiis na kanilang dinaranas na marahil ay hindi natin makakayang gampanan sakaling tayo ang nasa kanilang katayuan.

Bagkus, dapat nating pasalamatan ang ating kaibigang OFWs sapagkat dahil sa kanilang pagpupunyagi at pagbibigay ng magandang imahe sa ating mga Pilipino, sa kanilang patuloy na pagpapadala ng remittances sa kanilang mga pamilya malaki ang kanilang naitutulong upang mapalakas ang ating ekonomiya at mapanatili ang kahit papaano ay medyo maalwan na pamumuhay nating mga Pilipino kung ihahambing sa ibang bansa nitong panahon ng kagipitan.

Kaya dapat lamang na ating bigyan ng pagpapahalaga ang ating mga OFWs katulad ng pagdiriwang ng nakaraang selebrasyon ng 14th Migrant Workers Day. Atin silang bigyan ng tamang pagkilala sa kahalagahan ng kanilang kontribusyon sa kapakanan ng ating bayang Pilipinas. Katulad ng pagkilalang namutawi mula kay DOLE Secretary Marianito D. Roque na nagsabi “This day dedicated in your honor marks another happy occasion for the entire Filipino nation as we pay tribute to all your sacrifices, contributions and achievements. This year’s theme, “Araw ng Pasasalamat: Pagpupugay sa Kakayahan at Talino ng Pinoy Expat,” speaks candidly of your commendable qualities that have become a great source of pride and honor for our people. Our worldwide prominence as dependable, productive, and diligent workers is mainly the product of your passion for excellence and constant craving for new learning.”

Mabuhay ang ating mga OFWs. At maraming salamat sa inyong mga nagawa para sa ating minamahal na bansang Pilipinas.

Maraming salamat sa inyong pagsubaybay.

 

Email address: [email protected]