Paalam, President Cory - Pat. Sto. Tomas
Noong nakaraang Sabado ay nangyari ang pinanga-ngambahan nating lahat – ang pagpanaw ng ating pinakamamahal na dating Pangulo ng bansa at sa marami sa atin ay isang butihing ina na lagi na lamang isinasa-isip at isinasa-alang-alang ang kapakanan at kabutihan nating lahat at ng bansang Pilipinas - ang dating Pangulo Corazon Cojuangco-Aquino. Malungkot at masakit ang kanyang pagpanaw sa atin na nagmamahal sa kanya at lalo na sa kanyang pamilya. Subalit kung ating titingnan ang mga pangyayari, mahirap din tanggapin na siya ay patuloy na magdanas at magtiis ng sobrang sakit at hirap sa katawan dulot ng kanyang karamdaman. Matatanggap na din natin na siya ay namaalam na.
Si President Cory ay hindi lamang simbulo ng demokrasya sa Pilipinas. Siya ang dakilang ina na nagbalik ng demokrasya sa ating bansa matapos niyang pamunuan ng taos puso at lubos na dedikasyon ang hangarin ng taong-bayan na itigil na ang pamamahalang dictatorial. Isang kahanga-hangang desisyon ang ginawa ni President Cory na iwanan ang kanyang tahimik na pamumuhay at isantabi ang kanyang pangunahing obligasyon at responsibilidad bilang ina at ama ng kanyang mga anak upang pamunuan ang hangarin ng taong bayan na maibalik muli sa Pilipinas ang demokrasya at ang kalayaan ng bawat mamamayang Pilipino. Ito ay isang dakilang sakrispisyong personal na nagpapatunay lamang ng kanyang tapat na pagmamahal sa bayan at sa kapakanang at kinabukasan nating mga Pilipino. At ang kadakilaang ito ay pinatunayang pa ng kanyang tapat na paglilingkod at panunungkulan bilang Pangulo ng ating bansa.
Kung kayo ay nagkaroon ng pagkakataon na napanood sa telebisyon ang coverage ng misa na ginanap sa Manila Cathedral kung saan ang ilang mga kilalang mga mamamayan ay nagbigay ng tribute kay President Cory doon ay ating narinig firsthand ang mga personal impressions ng mga ito kung anong klaseng tao, kaibigan man o opisyal ng pamahalaan, si President Cory. Ang inyong lingkod ay nagkaroon din ng maraming pagkakataon na makasama at makada-upang palad si President Cory. Nakita at naranasan ko ng personal ang kanyang mabuting pag-uugali at pagtingin sa kapakanan ng mamamayan at sa mga kasamahan sa opisina. Sa totoo lang malaki ang aking pasasalamat kay President Cory sapagkat ako ay kanyang pinagkatiwalaan na mamuno ng isang napaka-mahalangang bahagi ng ating pamahalaan ng ako ay kanyang itinalaga na Chairman ng Civil Service Commission. Kaya naman ginawa ko ang lahat na maaring gawin upang lalong mapabuti ang kalidad ng pagseserbisyo sa taong bayan. Ang mga ito ay napaloob doon sa tema ng programang ating pinairal – “Mamamayan Muna, Hindi Mamaya Na”.
Marahil marami sa ating mga kababayang OFWs ang nalungkot sapagkat sila ay hindi nagkaroon ng pagkakataon na personal na masaksihan ang burol o ang funeral cortege para kay President Cory at makapagpasalamat. Lalo na at si President Cory ang siyang nagpanukala sa pagtatag ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA na siya ngayong matibay na patnubay sa pag-alaga sa kapakanan ng ating mga OFWs. Marahil marami sa ating mga OFWs ang mababagbag ang damdamin kung sila ay nandito at nakita o nasubay-bayan ang kabuuang pangyayari. Talaga nga namang nakakabagbag damdamin hindi lamang ang mga ipinahayag na mga mensahe ng mga nagsalita lalo na yong response nila Noynoy at Kris sa kanilang pasasalamat sa lahat ng nakiramay. Pero ang lalong nakabagbag damdamin ay ang spontaneous response ng ating mga kababayan sa kanilang matiyagang pagpila doon sa La Salle Greenhills Gymnasium at sa Manila Cathedral sa kabila ng ulan at init masilayan lamang ang labi ni President Cory. At ganoon din ang libo-libong mamamayan na nagtiyagang maghintay doon sa dadaanan ng funeral cortège sa kabila din ng pabugsu-bugsong ulan at init makita lang ang pagdaan ng trak na may dala sa labi ni President Cory patungong Manila Memorial Park sa Parañaque. Kahanga-hanga ang kanilang matiyagang paghihintay ng mahabang oras kahit na kasama pa ang mga bata sapagkat marami doon ay mga pamilyang matiyagang naghintay.
Ang isang mensahe na aking nakita sa pangyayaring ito ay ang kakayahan nating mga Pilipino na magkaisa at ipahayag ang ating damdamin sa isyung nakakaapekto sa atin. Katulad ng pagkakaisa ng ating ipahayag ang ating damdamin ng pagkainis o pagkamuhi sa dictatoryang pamamahala ng ilibing ang kabiyak ni President Cory na si Ninoy at muli noong EDSA I sa pamumuno ni President Cory. Subalit ang pagkakaisa na atin nakikita mula noong Sabado hanggang Miyerkules ng gabi ay pagkakaisa sa pagpapahayag ng pagmamahal at pagdadalamhati sa pagpanaw ng ating minamahal ng President Cory Aquino.
President Cory, maraming salamat sa mga naidulot mong kabutihan sa ating bansa lalo na ang kahalagahan ng pagkakaisa ng bawat mamamayang Pilipino. Sana ang pagkakaisang ito ay manatili para sa mga mabubuting adhikain at kinabukasan ng bansang Pilipinas. At maraming salamat din sa pagtititwala na iyong ibinigay sa akin bilang bahagi ng pamahalaan.
Paalam, President Cory.