Karangyaan o Kapahamakan? - Pat A. Sto. Tomas

Posted at 08/23/2009 12:32 AM | Updated as of 08/23/2009 12:32 AM

Noong nagdaang kolum ay ating binigyang pansin ang kahalagahan ng masusing pag-iisip para doon sa ating mga kababayang nagnanais na maging OFW subalit ang uri ng trabahong gustong pasukan ay mga low-skilled work katulad halimbawa ng pagiging katulong sa bahay lalo na kung ito ay sa mga bansa na iba ang kultura at kaugalian kung ihahambing sa atin katulad ng sa Middle East. Ating sinabi na mahirap ang ganitong uri ng trabaho. Maraming problema ang maaring kaharapin sa araw-araw, na pag hindi naagapan ay maaring humantong sa pagkasira ng normal na kaisipan at paggawa ng isang bagay na magdudulot ng isang mabigat na problema hindi lamang sa OFW at sa kanyang pamilya kundi pati na rin sa ating pamahalaan at sa buong sambayanang Pilipino.

Ating ginamit na halimbawa ang kaso ni Mae Vecina, isang household worker sa Kuwait na nawala sa tamang pag-iisip dahil sa sobrang bigat ng mga problemang ibinigay sa kanya ng kanyang employer. Nang dahil dito ay kanyang napatay sa di sinasadyang pagkakataon ang pitong taong gulang na anak nito. Subalit isa lamang itong kaso ni Mae sa mga maraming low-skilled OFWs na nagkaroon ng mabibigat ng problema at humantong sa mga kahindik-hindik na sitwasyon. Mayroong ilan na minabuti na lamang ang magpakamatay kaysa harapin pa ang isang madilim na buhay dala ng masamang karanasang dinanas katulad ng pagiging biktima ng sexual molestation o rape ng kanyang employer.

Of course, hindi lahat ng nabiktima ng pang-aabuso ng kanilang employer ay naging malubha ang kinasadlakan. Marami rin tayong mga OFWs na malakas ang loob at kina-kaya na lamang ang mga pasakit habang nag-iisip ng paraan kung paano maka-alis ng maayos at maka-uwi dito ng matiwasay at kalimutan na lamang ang masamang karanasan upang kahit papaano ay makapagsimula muli ng panibagong buhay. At mayroon ding ilan na nagdedesisyon na pagbalik dito sa atin ay tama lamang na ilahad ang mapait na karanasan upang una, ay kanilang matawag ang pansin ng ating pamahalaan sa kalunos-lunos na sitwasyon ng kapareho nilang mga OFWs doon sa bansang kanilang pinangalingan at ikalawa, upang sila ay makapag-bigay ng sapat na pag-papaalala sa marami nating mga kababayan na nagnanais na maging household service workers na ang ganitong trabaho ay maaring magdulot lamang ng isang kapahamakan at hindi kaginhawahan na siyang pinapangarap nila sa pagiging OFW.

Ito ang dakilang layunin ni Janette Nudalo, isang 43 years old na Household Service Worker (HSW) sa Saudi Arabia, ng siya ay magdesisyon na ikuwento ang kanyang mapait na karanasan sa loob ng tatlong taong pagiging katulong doon mula noong December 2008. (Ang boung kwento ni Janette ay inyong matutunghayan sa page 20 ng July 12 issue ng Philippine Daily Inquirer). Ayon kay Janette sa simula maayos naman ang pagtrato sa kanya subalit kinalaunan naging pabigat ng pabigat ang kanyang trabaho at naging paiksi na rin ang kanyang pagtulog. Siya ay sinasaktan na rin katulad ng pagpalo sa kanya ng alambre o ng mop hanggang isang araw siya ay hinawakan sa buhok ng kanyang malaking lalaking employer at ini-untog ng tatlong beses ang kanyang ulo sa pader. Ito ang nag-resulta sa pagkaroon ng lamat sa kanyang bungo na nakita lamang matapos na siya ay makabalik dito at dumaan sa isang medical examination. Ang mas masaklap siya ay ni-rape ng kanyang employer at pati na rin ng anak nito na may edad desisyete anyos pa lamang.

Ang lahat ng ito ayon kay Janette ay kanyang tiniis alang-alang sa pag-aaral ng mga anak na naiwan dito sa atin at kahit na siya ay nagkaroon pa ng pagkakataon na humingi ng tulong sa Migrante International matapos na di sinasadyang makasalubong niya ang isang miyembro nito na napansin ang mga galos at pasa sa kanyang katawan at siya ay binigyan nito ng calling card kung sakaling naisin niyang humingi ng tulong. Subalit ng minsan pang siya ay muling pagtangkaang gahasain ng kanyang employer minabuti na ni Janette na humingi ng tulong sa Migrante International at ito naman ay gumawa ng paraan upang siya ay makaalis ng patago sa kanyang employer at siya ay naka-uwi dito sa atin.

Kung ating titignang maigi kung bakit natiis ni Janette ang lahat ng pahirap sa kanya, ito ay hindi dahil lamang sa kapakananan ng mga anak na nag-aaral dito sa atin sapagkat ayon na rin sa kanya siya ay hindi na pinapasweldo ng maayos kaya naapektuhan na rin ang kanyang pagpapadala ng pera sa mga ito. Sa tingin ko tiniis ni Janette ang lahat ng ito dahil sa takot na ibinaon sa kanyang isipan ng kanyang employer. Ayon na rin sa kanya hindi niya naisip ang gumawa ng ano mang pag ganti sa takot na ito ay maaring humantong sa kanyang pagkabilanggo. Sinabi daw sa kanya na pag siya ay nagsalita o nagkwento ng mga bagay na makakasama sa kanyang employer siya ay pasasagasaan at ito ay palalabasin na isang aksidente lamang. O di kaya, siya daw ay sasaktan ng sasaktan hanggang sa mawala ang kanyang katinuan. Mabuti na lamang at ang kanyang nahingian ng tulong ay ang Migrante International na bihasa sa mga ganitong sitwasyon. Upang maka-alis sa kanyang employer siya ay pinayuhang huwag magbitbit ang ano mang bagay at baka siya ay balikan at kasuhan ng pagnanakaw. Siya ay pinayuhan din na lumabas na lamang sa bahay ng patalilis at kumuha ng taxi patungo sa meeting place na napagkasunduaan sa kausap na miyembro ng Migrante International sa siya na rin ang nagbayad ng kanyang taxi fare.

Sa kwento ni Janette at sa nangyari kay Mae, parehong mga HSW, maliwanag na napakahirap ang ganitong uri ng trabaho lalo na pag tayo ay napunta sa bansang iba ang pag-uugali at kultura kaysa sa atin. Kung dito sa atin mismo ay marami rin tayong naririnig na istorya ng pang-aabuso sa mga katulong, paano pa kaya sa isang sitwasyon na malaki ang pagkakaiba ng pag-iisip o kaisipan, kaugalian at kultura ng employer at ng katulong?

Ating binibigyang pansin ang isyung ito dahil sa ating pagnanais na hikayatin ang ating mga kababayan lalong lalo na ang mga kababaihan na nagnanais na maging household service worker o katulong sa ibang bansa lalo na sa Middle East kung saan sobra ang pagkakaiba ng kultura at kaugalian kung ikukumpara sa atin na ito ay pag-isipan ng maigi. Kung sakaling mayroon namang ibang trabahong mapapasukan ating ng iwasan ang maging HSW. Para sa akin walang katuturan na pursigihin ang ganitong uri ng trabaho lalo na kung kailangang pa nating magbayad ng malaking placement fee katulad ng ating nababalitaan lagi upang maka-alis lamang. Para bagang nagbabayad tayo ng malaking entrance fee makapasok lamang sa isang madilim at posibleng masalimuot na patutunguhan. Kaya bakit natin ito gagawin? Bakit kailangan nating ilagay ang ating sarili sa sitwasyon na maaring magbibigay lamang sa atin at sa ating pamilya kasama na ang pamahalaan at ang sambayanang Pilipino ng malaking problema.

Sa totoo lamang ang kadamihan sa mga stranded na OFWs sa Middle East ay mga HSWs na tumatakas sa kanilang mga employer o mga kararating lamang at biktima pala ng mga illegal recruiters. Kaya nga ang POEA, may ilan taon na ang nakaraan, ay nagpalabas ng mga alituntunin na sa tingin ng iba ay nagsisikil daw sa pag-alis ng mga HSWs, para magtrabaho sa ibang bansa. Katulad ng pagtataas ng pasahod sa $400.00 per month, ang requirement na kailangan ang employment contract ay verified ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) at ang pagsumite ng appropriate visa/work permit or equivalent documents bago i-proseso ng POEA ang exit clearance. Maaring sa iba ang mga ganitong requirements ay pahirap lamang. Subalit kung ating susuriing mabuti ito ay para sa proteksyon ng ating mga paalis ng mga kababayan. Halimbawa, itong pag-verify ng POLO sa existence ng employer lalo na kung ito ay makausap mismo ng POLO personnel ay magbibigay sa employer ng mensahe na dapat ay kan`yang i-respeto ang mga karapatan at katauhan ng kanyang prospective HSW. Of course hindi ito garantiya na wala ng mangyayaring masama sa HWS subalit kahit papaano malaki ang magiging empluwensya nito sa magiging behavior ng employer tungo sa kanya.

Ganoon pa man, minumungkahi ko pa rin sa ating mga taga-subaybay na bigyang payo ang ating mga kaibigan at mga kakilala na mag-iisip ng maigi lalo na kung trabaho na nais pasukan sa ibang bansa ay HSW o isang low-skilled work. Sa ganitong uri ng trabaho malaki ang posibilidad ng pagkakaroon ng problema. Ating iwasan ang ganitong sitwasyon. After all, ang ating pakay ay hindi lamang upang kumita kundi ay kumita ng maayos at walang problema upang mabigyan natin ang ating sarili at pamilya ng isang magandang kinabukasan.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay.


Bookmark and Share

Links