Bakit nagkaroon ng broken family? -- Pat A. Sto. Tomas

Posted at 08/31/2008 6:05 PM | Updated as of 08/31/2008 6:17 PM

Mayroon tayong natanggap na maiksing e-mail mula kay Rey na nasa Dubai na humihiling na sana  ay ating talakayin kung bakit karamihan sa ating mga OFWs kapag nangibang bansa upang maghanapbuhay ay gumaganda ang kanilang financial status subalit nagkakaroon naman ng suliranin sa buhay pamilya. Sa maikling salita ay “broken family.”
 
Medyo maselan ang paksang ito at dahil sa ako naman ay hindi marriage counselor parang atubili akong pag-usapan ang bagay na ito. Subalit dahil sa nangyayari naman talaga itong obserbasyon ni Rey at ako mismo ay naging hingahan din ng mga ganitong problema ng ako ay nasa POEA pa, marahil nga ay nararapat lamang na  ito ay ating bigyang pansin.
 
Baka sakaling tayo ay makatulong na hikayatin ang ilan sa ating mga kababayan  na medyo naliligaw o malapit ng maligaw ang landas na mag-isip-isip muli at ng sa gayon ay maibsan ang mga ganitong sitwasyon sa mga darating pang panahon.
 
Una sa lahat napakahalaga na atin laging isa-isip at huwag kalilimutan ang dahilan kung bakit ginusto natin ang nangingibang bansa upang doon magtrabaho. Kadalasan ang dahilan ay upang lumaki ang ating kita at magkaroon ng pagkakataon na makalikom ng sapat na halaga  hindi lamang para sa pangangailangan ng  ating pamilya sa pang-araw araw kundi para na rin paghandaan ang kanilang magandang kinabukasan.
 
Kasama na rin dito ang pagsasa-ayos ng living conditions ng  ating pamilya katulad ng pagkakaroon ng sariling bahay at lupa at ang pagpapa-aral ng ating mga anak sa maayos na paaralan at para na rin mapaghandaan ng lubos ang kanilang kinabukasan. Sa maikling salita tayo ay nangingibang bansa para magtrabaho ng mapabuti ang kapakanan ng  ating pamilya.
 
Ayon sa aking mga nakausap na mga OFWs, sila ay nagpapakahirap sa ibang bansa upang mabigyan ng kaganapan ang kanilang mga panaginip sa buhay. Katulad halimbawa ng matagumpay na pag-akyat sa entablado ng panganay  na anak upang tanggapin ang diploma ng pagka-ihenyero; na sinundan naman ng isa pang panaginip ng pag-akyat sa entablado ng magandang ikalawang anak na dalaga upang tanggapin ang diploma ng isang nurse; at ng ikatlong panaginip ng pag akyat sa entablado ng pinakamamahal na bunso upang tanggapin  naman ang diploma ng isang doctor of medicine.
 
Panaginip
 
Sa tatlong panaginip na ito kanilang nakikita ang kanilang sarili, kasama ang asawa, ang may edad ng mga magulang, ilang kamag-anak at kapitbahay na walang humpay ang pagpalakpak upang ipaalam sa mundo hindi lamang ang kanilang kasiyahan kundi upang ipakita sa lahat ang ebidensiya ng kanilang tagumpay sa kabila ng maraming kahirapang dinanas bilang isang OFW.
 
Napakagandang mga panaginip at iilan lamang ito sa mga marami pa nating mga panaginip tungkol sa kinabukasan ng  ating pamilya. Masasabi ko na ayon sa karanasan ng nakakarami sa ating mga OFWs ang mga panaginip na ito ay nagkakaroon ng katuparan at minsan ay higit pa.
 
Ang malungkot lamang kung minsan ay itong pagsakatuparan ng mga panaginip, lalo na yong pagtatapos ng mga anak sa kolehiyo ay nasasaksihan lamang ng mga OFWs sa pamamagitan ng mga video na kinuha ng asawa at ipinadala sa kanila. Ito ay dahil sa sila ay hindi pinayagan ng employer na makapagbakasyon o umuwi upang personal na saksihan ang college graduations ng mga anak. Ganoon pa man masaya na rin ang marami sa ating mga OFWs dahil sa nagkakaroon ng katuparan ang kanilang mga panaginip.
 
Sabi nga ni Rey, karamihan sa mga OFWs ay gumaganda ang kanilang financial status. Kaya nga lang, base din sa kanyang obserbasyon, marami din sa kanila ay nagkakaroon ng problema sa pamilya. Ang kanyang tawag ay “broken family.” At dahil dito, marami din sa  mga panaginip ang hindi nagkakaroon ng katuparan.
 
Bakit nga ba?  Ano ang dahilan at ano ang nangyayari?
 
Totoo na sa pag-alis ng OFW upang magtrabaho sa ibang bansa ang kaagad na epekto nito sa pamilya ay literally “broken family.”  Broken in the sense na nahiwalay ang OFW sa kanyang pamilya, sa asawa at sa mga anak.
 
Kaibigan
 
Sa maraming OFWs, ang paghihiwalay na ito ang  nagbibigay ng dahilan upang lalong pag-ibayuhin ang pagpupunyagi at harapin ang ano mang sagabal para maisakatuparan ang kanyang mga pangarap para sa pamilya. Ito rin ang nagbibigay ng dahilan upang lalong magsumikap at patunayan na mayroong mabuting kabayaran sa kinabukasan ang ano mang sakripisyong haharapin alang-alang sa kapakanan ng pamilya.
 
Kaya nga lang ang paghihiwalay na ito ay nagdudulot din ng kalungkutan sa pamilya, at lalo na sa OFW na nag-iisa sa malayong bansa na ang kultura at uri ng pamumuhay ay maaring sobra ang pagkakaiba kaysa sa kanyang nakagisnan sa Pilipinas.
 
Sa gitna ng kalungkutang ganito, normal lamang na maisipan ng OFW na sana siya ay magkaroon ng kapwa OFWs na makakasama sa trabaho o di kaya ay makasalubong at makakilala ng kapwa Pinoy at magiging kaibigan sa mga darating na panahon.  Kadalasan ito naman ay nagkakatotoo lalo na kung ang kanyang kompanyang pinagtatrabahuhan ay malaki katulad ng isang construction o manufacturing company o di kaya ay isang hospital at lalo na kung ito ay nasa central location katulad ng isang lungsod.
 
Maganda ang pagkakaroon ng mga kaibigan o kasamahan na kapwa Pilipino kaya nga lang kung minsan ang pagkakilala at pagkakaibigan ay humahantung sa barkadahan o sobrang dalas na pagsasama katulad na lamang kung tuwing  weekends at holidays o di kaya ay tuwing after office hours araw-araw.
 
Sabi nga ng mga nakausap ko, kadalasan sa mga kalalakihan ang pagsasamang ganito ay humahantung  sa pag-iinuman o di kaya ay sa pagsusugal na kung tayo ay nasa Middle East ang mga ito ay mahigpit na ipinagbabawal at maaring maging dahilan upang tayo ay mabilanggo.
 
Kung minsan naman ang sobrang pagsama-sama at pagkukwentuhan ay humahantong din sa pagdidiskusyon, samaan ng loob, hindi pagkaka-intindihan at pag-aaway at maaring maging dahilan din ng pagkabilanggo. Kaya hindi kataka-taka kung mangyari ang broken family na sinasabi ni Rey.
 
Crush, paghanga
 
Kung ang pagsama-sama at pagkikita naman ay ginagawa ng mga magkakakilalang OFWs na mga babae at lalaki hindi malayo, ayon sa aking mga nakausap na mga OFWs, ang pagkakaroon ng mga paghanga o  admiration at  crushes sa isa’t-isa . Nagkakaroon din ng sharing of problems or secrets, counseling, at pagtutulungan that keep friends of different genders getting much closer over time to the point na kahit wala ito sa kanilang isipan o plano they would innocently hold hands or embrace when occasions dictate.
 
So innocent sa umpisa subalit doon pala nagsisimula ang problema ng ilan sa ating  mga OFWs na sobra ang nadaramang kalungkutan at naghahanap ng attention o pagkalinga. Slowly feelings are developed at ang caring for a friend becomes caring for a boyfriend or a girlfriend and relationships become more intense. Sa pagdevelop ng mga ganitong sitwasyon hindi tayo magtataka kung doon sa involved na mga OFWs ito ay hahantong sa sinasabi ni Rey na broken family o pagkasira ng pamilya.
 
Halos ganito din ang mga nangyayari dito naman sa ilang mga asawa na naiiwan dito sa atin.  Ang maybahay na naghahanap ng kalinga ng asawang OFW ay kung minsan hindi nakukuntento sa pakalinga sa kanyang mga anak at dahil dito ay naghahanap din ng ibang companionship at attention. Ang resulta, mga hindi inaasahang pagkakamali at pagsuway sa kanyang pangakong pagmamahal sa asawang OFW.
 
Nang ako ay nasa POEA pa maraming mga asawang naiwan dito sa atin ang lumalapit upang humingi ng payo o tulong kung papaano mapabago ang asawang OFW na nagkaroon ng girlfriend o boyfriend habang nasa ibang bansa na siya ng pinagtustusan ng kita  ng asawa at ikinahinto o iniliit ng remittance na ipinapadala.
 
Mayroon namang mga OFWs na pag-uwi dito ay lumalapit at humihingi ng payo o tulong kung papaano mapabago ang naiwang asawa na nagkaroon ng boyfriend o girlfriend na siya naman ang nagtatamasa ng kanyang pinaghirapang monthly remittance na ipinapadala dito.
 
Ito Rey ay ilan lamang sa mga dahilan, subalit ayon sa aking mga naka-usap ay mga malubhang dahilan ng pagkasira ng pamilya ng OFWs.
 
Reminders
 
Ano b a ang  ating magagawa dito?
 
Sa tingin ko ay wala tayo masyadong magawa maliban marahil sa pagbigay ng mga sumusunod na reminders:
 
1) Sa mga OFWs, ating isa-isip lagi ang dahilan kung bakit tayo ay nagdesisyon na mangibang bansa at  ito ay upang lumaki ang kita at ng sa gayon ay ating maisakatuparan ang  ating mga pangarap na mabigyan ng magandang kinabukasan ang ating pamilya lalo na ang ating mga anak; 
 
2) Sa mga asawang naiwan naman dito sa atin, ating bigyan ng patuloy na inspirasyon at pasitibong kabayaran ang paghihirap ng asawng OFW sa pamamagitan ng
 

  • patuloy na pagbigay ng mga magagandang kwento tungkol sa school achievements ng mga bata at iba pang magagandang pangyayari sa pamilya;
  • pagbawas sa dati ay palagiang paghingi ng padalang pera at bagkus ay ating i-manage ang ating family expenses at sikaping magkaroon ng savings mula sa monthly remittances. Ang savings ay ating ipunin sa banko at ipaalam sa ating asawang OFW. Gaano man kaliit ito tuwing buwan siguradong ito ay kanyang ikatutuwa;
  • pagsagawa ng  mga bagay na maaring pagkakitaan katulad ng pagtitinda o ano mang maliit na negosyo kung tayo ay hindi nagtatrabaho at full time housewife lamang. Kahit papaano ang ating pagpupunyagi upang makatulong sa financial needs ng pamilya ay lalong magbibigay ng lakas sa asawang OFW upang pag-ibayuhin ang pagpupunyagi; at
  • patuloy na pagkalinga hindi lamang sa ating anak kundi pati na sa iba pang mga mahal sa buhay ng ating asawang OFW katulad ng kanyang mga magulang o kapatid na may kapansanan kung maryroon man.

 
3) Sa parehong mag-asawa, ating panatilihin ang patuloy na open communication among the members of the family. Sa ngayon ito ay napakadali ng gawin dahil sa cellphones at internet na nagbibigay ng immediate communication sa bawat isa.  Pwede ng mag-chat ang mag-asawa o ang magulang sa mga anak sa pamamagitan ng internet. Kahit papaano ito ay nakakatulong upang maibsan ang ating kalungkutan at ang  ating paghahanap ng kalinga ng ating mga mahal sa buhay; at 
 
4) Higit sa lahat, sa parehong mag-asawa, napakahalaga na atin laging iwasan ang mga tukso at tayo ay  magkaroon ng disiplina sa ating sarili. Naalala ko tuloy ang kasabihan ipinakalat ng pamahalaan noong panahong ako ay nag-simulang magtrabaho sa  gobyerno  “Sa Ikauunlad ng Bayan, Disiplina ang Kailangan.”
 
Sa ikauunlad ng  ating pamilya at para sa magandang kinabukasan ng  ating mga mahal na mga anak,  disiplina ang kailangan. Ating iwasan ang tukso. At sa tuwina pag ito ay dumating sa gitna ng kalungkutan, nasa ibang bansa man tayo at nagtatrabaho o di kaya ay naiwan dito upang siyang kumalinga sa ating mga anak,  ating isipin ang ating mga panaginip para sa ating pamilya lalo na ang kainabukasan ng ating mga minamahal na mga anak.
 
Maraming salamat muli sa iyong patuloy na pagtangkilik. Nawa’y tayo ay nakatulong upang bigyan ng malinaw an direksyon ang kinabukasan ng ilan sa ating medyo nawawala sa tamang landas o naliligaw ng landas.
 
Ang e-mail address ni Pat Sto. Tomas ay [email protected]