Pagsunod sa mga Alituntunin - Pat Sto. Tomas

Posted at 09/06/2009 12:45 AM | Updated as of 09/06/2009 12:45 AM

Kung ating sinusubaybayan ang mga hindi magagandang pangyayaring kinasasangkutan ng marami sa ating mga OFWs ang isang bagay na kaagad nating mapapansin ay ang koneksyon ng mga ito sa hindi pagsunod sa mga tamang batas o alituntunin maging ito man ay dito sa atin o sa ibang bansa. Katulad na lamang noong mahigit sa anim-napung (60) OFWs na nahuli sa Riyadh noong nakaraang Hunyo 13 habang sila ay nagtitipon-tipon upang gunitain at bigyang kahulugan ang araw ng ating kalayaan o independence day. Maganda ang layunin ng ating mga kababayan subalit ang kanilang pamamaraan sa pagbibigay pugay sa ating araw ng kalayaan at kadakilaan bilang mga Pilipino ay may paglabag sa mga alituntunin ng bansang kanilang kinaroroonan. Marahil sa kanilang kaisipan wala namang masama sa pagkakaroon ng isang “gay show” lalo na at ito ay para lamang sa kanilang katuwaan at exclusively for them. Ganoon pa man ito ay paglabag pa rin sa alituntunin ng pamahalaan ng Saudi Arabia at ang mga nahuli ay kinasuhan ng “display of homosexuality” at “imitating women” at maaring maparusahan ng tatlong buwang pagkabilanggo maliban pa sa public lashing o parusang palo sa harap ng publiko.

Marami din tayong naririning na kaso ng pagkahuli at pagkabilanggo ng mga OFWs sa Saudi Arabia at ilan pang mga bansa sa Middle East dahil sa pag-iinom ng alak o pagsusugal. At kadalasan ito ay resulta ng pagre-raid ng mga Saudi authorities sa mga nari-report na pagtitipon-tipon ng ating mga OFWs lalo na sa mga araw ng walang pasok sa trabaho. Kadalasan ang mga ganitong sitwasyon ay dala lamang ng katuwaan at pagpapalipas oras katulad ng ating nakaka-ugalian dito sa atin pag week-ends o holidays. Ang problema ipinagbabawal doon ang pag-iinom ng alak at ang pagsusugal kaya kahit na ito ay gawaing pampalipas oras lamang sa batas at alituntunin ng Saudi Arabia ang mga ito ay paglabag pa rin sa mahalagang alituntunin ng kanilang kultura at relihiyon at nararapat lamang na maparusahan.

Mayroon din tayong naririnig o nababalitaan na mga OFWs na nabibilanggo matapos tumakas sa kanilang mga abusadong employers at nahuli naman ng mga pulis. Marami dito ay tumakas dahil sa pang-aabuso o maltreatment ng kanilang mga employers o di kaya ay napakasamang sitwasyon ng pinag tatrabahuhan. Sa ating simpleng kaisipan parang tama lang na umalis kung hindi na natin matitiis ang masamang sitwasyon subalit sa mga bansa doon sa Middle East lalo na sa Saudi Arabia ito ay paglabag pa rin sa mga alituntunin at para sa kanila nararapat lamang na ang ganitong paglabag ay dapat parusahan.

Ang iba naman sa ating mga OFWs ay nagdedesisyon na manatili doon sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan kahit na tapos na ang kanilang kontrata. Ito ay kanilang ginagawa sa pagbabaka-sakaling sila ay makakuha muli ng panibagong trabaho at ng sa gayon ay maipagpatuloy ang pagpapanatili doon at pagtanggap ng sahod na kahit papaano ay may kalakihan kung ihahambing dito sa atin. Subalit ang pananatili sa ibang bansa ng lampas sa inaprobahang work contract ay mangangahulugan na overstaying at ito ay isa ding paglabag sa alituntunin ng bansang kinaroroonan. At pag tayo ay nag-overstay siguradong tayo ay hahabulin at pag tayo ay nahuli ay ikukulong. Kahit dito sa atin ganito rin ang nangyayari sa mga overstaying foreigners. Kaya marami tayong mga kaso ng mga OFWs na nakakulong sa ibang mga bansa ng dahil sa pag overstay.

Marami pang mga sitwasyon ng paglabag sa mga alituntunin ng host countries ang kadahilanan ng pagkakakulong ng ating mga OFWs. At dahil dito ay hindi magkandarapa ang mga tauhan ng ating embahada o konsulada at mga overseas labor offices upang ang mga ito ay mabigyan naman ng mga kaukulang tulong. Subalit ng dahil sa dami ng mga kaso at limitado naman ang mga personnel ng ating mga opisina sa ibang bansa maliban sa limitado din ang kanilang mga financial resources, hindi lahat ng ating mga kababayan ay agarang nabibigyan ng kaukulang tulong. At kadalasan ng dahil dito nagiging negatibo ang pagtingin ng karamihan sa atin sa ating pamahalaan.

Sa tingin ko makakabuti sa ating lahat kung ang bawat isa sa atin ay manatiling masunurin sa mga batas at alituntunin ng bansang ating kanaroroonan. Sa gayon tayo mismo ay makakaiwas sa mga problema at perwisyo kaakibat ng anumang paglabag sa mga alituntunin kasama na ang pagkabilanggo. Maliban dito tayo ay makakatulong din upang mapanatili natin ang magandang imahe ng mga Pilipino at ang impresyon sa ating mga OFWs na maasahan at mapagkakatiwalaan. Dito sa atin, ang pagsunod sa mga alituntunin lalo na ang pagkakaroon ng disiplina sa bagay na ito ay malaki ang magagawa upang mapabilis ang pag-unlad ng ating bansa at makamit nating ang matiwasay na pamumuhay. Kung ating titingnan ang ating kapaligiran halimbawa nakakainis makita ang mga walang pakundangang paglabag sa ating mga alituntunin. Katulad na lamang ng dumi sa kapaligiran, ang sobrang traffic dala ng walang disiplina at ang pagbale-wala sa mga batas trapiko ng mga drivers kasama na rin ng mga pasahero na nais magsakay o bumaba kahit sa gitna ng daan at tumawid sa kahit saan. Ang mas masahol ay ang mga paglabag sa mga alituntunin ng mga tao na sila mismo ang dapat magpatupad ng mga ito.

Itong hindi pagsunod sa mga alituntunin ng karamihan sa ating mga kababayan ay marahil dala ng ating kakulangan sa personal na disiplina. Kaya tama si dating Pangulong Marcos ng kanyang sabihin na “sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.” Saan man tayo naroroon, dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa, lets have that personal discipline to always follow the rules and regulations. Maging ito man ay alituntunin ng kumpanyang ating pinagtatrabahuhan o ng lungsod at ng bansang ating kinaroroonan. Ating sundin ang mga alituntunin. Ito ay para na rin sa ating personal na katiwasayan at sa kabutihan at reputasyon nating mga Pilipino at ng bansang Pilipinas.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay.