Ang Bagyong Ondoy - Pat A. Sto. Tomas
Habang sinusubaybayan ko ang mga kalunos-lunos na mga pangyayari sa marami nating mga kababayan dala ng pinsala ng bagyong “Ondoy” hindi ko maiwasan ang mapaluha sa nakikita kung paghihirap ng mga pamilya na malubhang naapektuhan ng kalamidad. Katulad na lamang ng aking mapanood sa TV ang mga taong nasa bubong ng bahay at inaanod ng rumaragasang tubig sa San Mateo river. Nang ito ay tumama doon sa tulay biglang nawala ang mga nakapatong dito maliban sa isang mama na maswerteng nakakapit sa lubid at nasagip.
Dalawang araw ang makaraan pinapanood ko sa TV Patrol ang interview sa isang ama na nagsalaysay ng pagkawala ng kanyang dalawang anak kasama ang kanyang asawa at ina ng sila ay anurin sa ilog at doon ko nalaman na sila pala yung nakapatong sa bubong na inaanod sa ilog at bumangga sa tulay. Sa isang iglap nawala sa kanya ang kanyang mga mahal sa buhay. At ako ay naiyak ng kanyang sabihin na birthday sana ng kanyang bunso na nawawala. Masakit isipin ang kanyang nararamdaman ng mga oras na yon na marahil kung ito ay nangyari sa atin ay mahihirapan tayong harapin at tanggapin.
Sa marami nating mga OFWs na tagasubaybay posibleng ang mga eksenang ito at iba pang mga kalunos-lunos na mga pangyayari ay inyo na ring nakita sa Internet o napanood sa TV kung kayo ay sumusubaybay sa TFC. At marahil ang mga ito ay nagbigay sa atin ng mga ilang katanungan katulad halimbawa nitong dalawang mahalagang tanong: una, bakit nangyayari ang ganitong kalagim-lagim na mga sitwasyon; at ikalawa, may paraan pa ba para maibsan ang ganitong uri ng epekto ng kalamidad?
Alam natin na ang kalamidad ay nangyayari ano mang oras, araw o panahon. At ito ay hindi napi-predict nino man katulad ng paglilindol. Sa kaso ng mga bagyo alam natin na ang Pilipinas bilang isa sa mga bansa sa Asia na nasa daanan ng mga ito tayo ay binibisita ng mga humigit kumulang sa dalawampung bagyo sa isang taon. Ayon sa ating karanasan ang mga ito ay napa-forecast naman ng PAG-ASA at tayo ay naaabisuhan ng dara-anan nito kasama na ang posibleng lakas ng hangin at pag-ulan na dulot ng mga ito. Kaya parang normal na sa atin ang pagharap sa ganitong sitwasyon. Sa kaso ni Ondoy para bagang sa marami sa atin ito ay isang ordinaryong typhoon lamang at hindi inaasahan ang sobrang lagim na idinulot nito. Subalit si Ondoy pala ay kaiba sa mga nagdaang bagyo. Totoong hindi kalakasan ang hangin na dala nito subalit ang ibinuhos na ulan naman ay sobra-sobra. Ayon sa PAG-ASA ang ulan na ibinuhos ni Ondoy noong Sabado ng madaling araw hanggang mag-umaga ay katumbas ng isang buwang ulan. Kaya hindi nakakapagtaka kung sa biglang buhos ng ganoong ulan ang mga lugar na dati ay hindi ina-abot ng pagbaha ay nakaranas nito at doon naman sa mga dati ng binabaha ay makaranas ng sobrang lalim ng pagbaha na pati na ang bubong ng mga bahay ay inabot ng tubig baha.
Subalit kung ating pag-isipan ng maigi, posible din na ang sobrang pagtaas ng tubig o pagbaha ay hindi lamang dala ng sobrang dami ng ulan kundi dahil na rin sa mga kagagawan natin na nagpapalubha sa ating kapaligiran. Kung ating titingnan ang Metro Manila at ang mga nakapaligid na mga probinsya dito ating makikita agad ang kawalan ng mga kakahuyan. At kung mayroon namang natitira pang mga kakahuyan, ang mga ito ay walang patumanggang pinuputol pa. Kahit na yong mga ugat ng mga pinutol na mga narra, acacia, mahogany, kamagong, at ilang pang mga malalaking kahoy ay hinuhukay na rin sa kabundukan at ginagawang mga furnitures na siyang kinagigiliwan ngayon ng marami sa ating mga may kayang bumili nito.
Itong mga pagkawala ng mga puno at kakahuyan sa mga bundok ay nagdudulot ng malaking kabawasan sa kakayahan ng lupa na higupin pailalalim ang tubig ulan. Kaya nga ito ngayon, pag umulan sa mga bundok ng Rizal, Laguna, Bulacan at Pampanga ang tubig ulan ay kaagad raragasang dadaloy sa mga mabababang lugar katulad ng Metro Manila imbis na ang mga ito ay pumailalim sa lupa at sundan ang mga ugat ng mga puno na nakabaon sa kailaliman nito. Maliban dito ang kawalan ng mga punong kahoy at mga ugat nito na siyang humahawak at nagpapatibay sa lupa lalo na sa mga matatarik na lugar ay siya din ang dahilan ng land-slides o pag-guho ng lupa na lubhang nakakaapekto sa mga naninirahan dito. Ayon sa report ng NDCC, may mga land-slides na nangyari sa probinsya ng Rizal, Laguna Bulacan at Pampanga na ikinamatay naman ng mga maraming residente na minalas ng matabunan ng mga gumuhong lupa ang kanilang mga kabahayan.
Subalit hindi lamang ang pagputol ng mga puno ang nagpapalubha sa sitwasyon. Ang kaugalian ng marami sa atin ng pagtapon ng mga waste materials kahit saan ay nagdudulot ng siltation o pagbara sa mga dinadaluyan ng tubig-ulan. Nakaka-palubha na nga sa siltation ang mga pag-guho ng mga lupa kasama na ang mga kakahuyan na na-uproot dala nito subalit lalo pa itong napapalubha ng walang patumanggang pagtapon ng mga ano mang bagay sa kapaligiran lalo na yong mga hindi nabubulok katulad ng mga plastics, goma at bakal. Kaya kung ating tingnan ang ating mga ilog at mga drainage outlets masusuka ka sa dami ng duming iyong makikita. At ito ay nagdudulot ng mabagal na pagdaloy ng mga tubig ulan sanhi ng pagbara dala ng mga hindi nabubulok na mga bagay na nakakasagabal sa padaloy nito.
At sa maraming sitwasyon naman, lalo pa nating sinasagabal ang pagdaloy ng tubig sa mga ilog at mga creeks sa pamamagitan ng pagtayo ng mga bahay dito katulad ng mga squatters shanties o sa pag sakop ng bahagi ng mga ito katulad ng ginagawa ng mga ilang housing developers o mga ganid na nagmamay-ari ng lupa sa tabi ng mga ilog o creeks.
Ang walang patumanggang pagputol ng mga kakahuyan, ang walang patumanggang pagtapon kahit saan ng mga basura lalo na ng mga bagay na hindi nabubulok katulad ng mga plastic at mga pagpapaliit sa mga ilog at mga creeks o pagtambak sa mga ito ang siyang kadahilanan nitong malagim na karanasan lalo na ng ating mga mamamayan na minalas na makakuha ng lupang matitirahan sa mga bababang lugar. Sana ito ay ating pag-isipan ng mabuti at nawa’y tayo ay makagawa ng mga nararapat na hakbang upang itong hindi magandang gawain ng ilan (o marami?) nating mga kababayan ay maihinto na at ng sa gayon ang mga kagimbal-gimbal na mga karanasan ng mga minalas nating mga kababayan ay hindi na mangyaring pang muli. At marahil doon sa mga taga NDCC baka makatulong din kung inyong titingnan itong mga puntong ating nabanggit. Baka sakali na ang ating programa ay pwedeng i-fast forward from Disaster Preparedness to Disaster Mitigation.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay.
Ito ang dapat gawin
Ngayon anong kahalagahan ng kalikasan sa nangyari sa ating bansa,lahat ng ating mga opisyal ay nag bubulag-bulagan lamang sa isuue na ito.Lalo na ang pag putol ng mga punong kahoy sa ating kabukiran at ang pag tayo ng mga mabahay sa tabi ng ilog at malapit sa ating mga lawa.Walang ibang sisisihin kong ang kalikasan ang pag uusapan kundi ang mga politikong garamang sa salapi at kapangyarihan.
Puro lang salita na ipapatupad itong mga batas na bawal mag putol ng kahoy at gawing mga subdivision ang mga lugar na sakop sa reservation.
Ngayon saba isama na ito na bilang isang political issue dahil dyan lang tayo napapansin kong mag rarally tayo sa mga issue na ito.Kaya kayo mga oposisyon, hindi lang puro national goverment ang palagi niyong tinutuliksa dapat pati sa mga lokal na mamahalaan.Ngayon may nagawa ba kayo sa mga rally niyo,kong kayo nag rally dahil dito sa mga issue pang kalikasan sana nabigyan ng pansin ito noon paman.Ang daming mga Mayor at gobernador dyan na may mga hindi tamang ginagawa,bakit hindi kayo mag protesta???? puro kayo Malacanang,patalsikin ang pangulo!!!ngayon nasaan na kayo , hindi na kayo nag papakita dahil hindi pamplotika ang nang yari sa ating baya?????? Kong sana nag rally kayo tungkol sa MMDA , tungkol sa mga basura, mga sqautter na nasa gilid ng mga estero sana may naitulong kayo.Puro lang kayo dakdak sa lansangan, Nasaan na ang Bayan ,Black and White Movement ,takot sa baha???
Ang nangyari sa atin ay isang leksyon hindi lang sa mga may katungkulan sa goberno , sa ordinaryong mamamayan kundi higit sa lahat para sa mga opposisyon.Kasi hindi niyo binigyan ng pansin itong mga issue na ito.