Documentary stamp tax (DST) issue sa remittances ng OFWs -- Pat A. Sto. Tomas

Posted at 10/19/2008 4:01 AM | Updated as of 02/19/2009 5:45 PM

Pat Sto. TomasMayroon tayong natanggap na ilang e-mail na nagtatanong tungkol sa .015% Documentary Stamp Tax (DST) na ini-impose ng mga remittance centers o authorized legal channels sa mga remittances na ipinapadala ng ating mga OFWs. Kaya ako ay gumawa ng kaunting pananaliksik at aking napag-alaman na doon pala sa Tax Reform Act of 1997 may isang section na nagsasaad ng sumusunod :

"SECTION 181. Stamp Tax Upon Acceptance of Bills of Exchange and Others. Upon any acceptance or payment of any bill of exchange or order for the payment of money purporting to be drawn in a foreign country but payable in the Philippines, there shall be collected a documentary stamp tax of Thirty centavos (P0.30) on each Two hundred pesos (P200), or fractional part thereof, of the face value of any such bill of exchange, or order, or the Philippine equivalent of such value, if expressed in foreign currenc.

Lumalabas din sa aking pagsasaliksik na ang confusion sa isyung ito ay dala naman ng isang ruling na inilabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong 1999. Ayon sa BIR Ruling 132-99 dated 23 August 1999 ang pag-authorize ng isang Payor katulad ng isang OFW na naninirahan sa ibang bansa upang ang kanyang named recipient katulad ng miyembro ng kanyang pamilya ay mag-withdraw ng anumang halaga mula sa local or foreign currency account na kanyang mini-maintain sa isang banko dito sa atin ay isang transaksyon na hindi katulad ng ipinapanukala sa Section 181 na maging subject to Documentary Stamp Tax. Ayon sa BIR Ruling “the Bank should not collect amount for payment of DST on the payment instruction of the Bank’s foreign correspondent to debit their account in the Philippines for payment to their named beneficiaries who are also in the Philippines."

Dahil sa BIR Ruling na ito lumalabas na parang may bintahe kung ang remittance ay ipinapadala sa pamamagitan ng banko. At dahil dito nagkakaroon tuloy ng isyu o confusion kahit sa mga remittance centers or authorized legal channels sa pag-iimpose ng DST at lalo na sa ating mga OFWs na nalilito ngayon kung sa anong pamamagitan ipapadala ang kanilang mga remittances.

Katulad ni Noel mula sa Qatar na nag-e-mail at kanyang binanggit in particular ang Western Union agent sa Pampanga na nag-charge ng 0.15 % sa remittance na kanyang ipinadala sa kanyang asawa. Kaya ako ay nagsaliksik naman sa ilang news sources at aking nakita ang isang news item kung saan ipinaliwanag ng isang opisyal ng Western Union na sila naman ay sumusunod lamang sa alituntunin ng batas at ang ano mang halaga na kanilang nakokolekta sa pagpapatupad ng DST requirement sa ilalim ng Section 181 ay kanilang itino-turn over sa pamahalaan. Sa katotohanan at ng dahil dito sa DST requirement sinabi ng Western Union na kanilang ibinaba ng singkwenta porsyento (50%) ang kanilang remittance fee upang kahit papaano ay mababawi naman ng mga OFW sang halagang pumupunta sa Documentary Stamp Tax.


Roxas bill

Bilang kasagutan sa problemang ito, akin ding napag-alaman na si Senator Mar Roxas ay naghain ng isang bill sa Senado (Senate Bill no. 2479) na nagtatanggal ng Documentary Stamp tax sa remittances ng ating OFWs na ipinadadala sa pamamagitan ng banko man o ng mga duly authorized legal channels o remittance centers katulad ng Western Union. Maganda ang panukalang ito ni Senator Roxas sapagkat malaki ang maitutulong nito sa paglutas sa pagkalito ng ating mga OFWs at ng kanilang pamilya. Sana ay maipasa agad ito ng Kongreso.

Sa kabila ng kaunting confusion tungkol dito sa DST sa remittances ng mga OFWs akin pa ring imunumungkahi sa ating mga OFWs ang patuloy na pagpadala ng ating remittances sa pamamagitan lamang ng legally recognized official channels katulad ng banko o mga remittance centers. Tayo ay makakasiguro na ang ating mga remittances ay matatanggap ng ating mga pamilya at tayo ay nakakatulong upang lalong mapalago ang ating foreign exchange reserves. Nabanggit ko na nga sa nakaraang kolum na ang remittances ng OFWs ang siyang nagbibigay ng stability sa ating economic situation sa kabila ng financial crisis na bumubulabog sa kasalukuyan sa Estadus Unidos.

Napag-uusapan na rin lang ang mga banko bilang mahalagang official channel for remittances, nais ko na ring samantalahin ang pagkakataon ito, bilang Chairman of the Board ng Development Bank of the Philippines (DBP), na malugod kong ipaalam sa ating mga OFWs ang mga programa ng DBP para sa mga OFWs.

Ang DBP ay naglunsad ng Remittance Center para magsilbi sa pangangailangan nang mga Piliplno, lalong lalo na ng mga OFWs. Ang mga serbisyong ito ay inilaan para mapababa ang service fees para sa kapakinabangan nila at ng kanilang pamilya. Layunin din ng DBP na sa pamamagitan ng serbisyong ito ay maihatid nang maayos, mabilis at Iigtas ang perang padala.

DBP

Bukod sa mga tradisyonal na serbisyo kagaya nang deposito sa accounts, pagkuha nang pera sa mga counters sa banko at ibang non-bank institutions, diretsong paghahatid nang cash sa inyong mga tahanan, inilunsad din ng DBP ang "Electronic Cash Remittance" ( EC Remit) program upang lalung mapabilis ang pagtanggap ng inyong perang padala para sa inyong pamilya. Kailangan lang po na kumuha ng EC Cash Card sa DBP o sa mga partners ng DBP sa ibang bansa gaya ng Middle East, Hong Kong, Honolulu, Canada, Guam, Saipan, Australia, etc.

Ang DBP ay mayroon ding ibang serbisyong pinansiyal gaya ng savings, investment at ibang mga programa para magkaroon nang pagkakataong makapagsimula nang kanilang mga malililit na negosyo, makabili nang sariling bahay at ibang kabuhayan, para makasiguro nang magandang kinabukasan para sa pamilya.

Naglunsad din ang DBP nang "Livelihood Loan Facility" na kung tawagin namin ay "DBP-Smart I-Net Negosyo Program". Ito po ay isang programang pinansiyal para mahikayat ang mga OFWs o ang kanilang pamilya para makaroon ng sariling "mini internet cafe business" para sa karagdagang kita.

Para po sa mga ibang katanungan at detalye ng mga nabanggit na programa, maari po kayong tumawag sa DBP Remittance Center Tel. Nos. 892-8135 / 893-8885 / 892-3868 / 815-1450 / 893-4217 / 840-1556. O kaya mag access sa DBP Website : http//devbankphil.com.ph o mag e-mail sa rc-incoming@devbankphil.com.ph

Maraming Salamat muli sa inyong patuloy na pagsubaybay.

Ang e-mail address ni Pat Sto. Tomas ay abscbn.stotomaspat@gmail.com.


Bookmark and Share

Links