Breaking News
  • Maguindanao massacre suspect taken into custody

Dakila ang Pinoy - Pat A. Sto Tomas


ALAM BA NINYO | PAT A. STO. TOMAS | 10/24/2009 11:12 PM

Nabanggit ko noong nakaraang linggo sa ating kolumn tungkol sa bagyong Ondoy ang aking hinagpis sa mga kalunos-lunos na sinapit at magpahanggang ngayon ay dinaranas pa ng mga nabiktima ng pagbaha. Subalit kung ating babalikan ang mga pangyayari atin ding masasabi na ang naturang malagim na mga karanasan ay nagpakita din sa buong mundo kung gaano kadakila at karangal ang Pilipino.

Ang pagbuhos ng tulong na ipinakita ng ating mga kababayan – mahirap man o mayaman – upang kahit papaano ay mapawi ang paghihirap at ang gutom na naranasan ng mga nabiktima ng pagbaha ay nakakataba ng puso at talagang maipagmamalaki natin bilang isang lahi. Ang magdamayan sa panahon ng kalamidad katulad ng mga ginawa ng magkakapit-bahay upang yong mga may bahay na natabunan ng sobrang pagtaas ng tubig ay madala sila sa ikalawang palapag ng kapitbahay o sa matataas na lugar upang di malunod ay tunay na magandang ehemplo ng kadakilaan. Lalo na ang pagbuwis ng sariling buhay mailigtas lamang ang mga kapwang biktima ng pagbaha. Katulad na lamang nitong dise-otso anyos na si Muelmar Magallanes na matapos mailagay sa maayos na sitwasyon ang kanyang pamilya ay patuloy pang tumulong upang mailigtas ang tatlumpo pang mga kapitbahay. At kahit sobra na ang pagod niya sa kalalangoy sa umaagos na ilog ay di niya inalintana ito at walang pag-aalinlangang tumalon muli sa rumaragasang tubig masagip lamang ang nakitang mag-ina na kumakapit sa styrofoam box na halos malulunod na. Nasagip nga ni Muelmar ang mag-ina subalit sa kasamaang palad at marahil ay sa sobrang pagod na rin siya ay bumigay at tinangay ng malakas na agos. Nakita na lamang ang kanyang bangkay makaraan ng dalawang araw. Sa edad na dise-otso anyos kanyang ibinuwis ang kanyang sariling buhay makatulong lamang sa kapwa. Ito ay isang tunay na kabayanihan na dapat nating ipagmalaking lahat. Isa kang tunay na bayaning Pilipino Muelmar Magallanes. Ganoon din yong sundalo at CAFGU sa Laguna na tinangay din ng rumaragasang agos ng tubig at nalunod matapos matulungan ang maraming nabiktima ng baha sa Laguna. Ito ay sina Pfc Venancio Ancheta at Cpl. Admiano Regua.

Mayroon din yong may katungkulang opisyal ng pamahalaan, isang hukom sa Quezon City, si Judge Ralph Lee ng RTC Branch 83, na wala ding patumanggang iniwan ang safety sa loob ng kanyang pamamahay sa Fairview ng marinig ang balita na may mga mamamayan na nakatira sa tabi ng ilog ng Tulyahan river at posibleng malulunod sa pataas na tubig baha. Dala ang kanyang jet-ski siya ay nag-drive patungo sa naturang lugar at pagdating doon ay ginamit niya ito upang mailikas ang tatlumput-dalawang tao na nasa bubong ng kanilang mga bahay. Ito ay isa ring magandang ehemplo ng kadakilaan ng Pilipino. Palagay ko marami pa ring mga ganitong kabayanihan ang naipakita ng ating mga kababayan hindi nga lamang napansin ng media at hindi umabot sa ating kaalaman.

Itong spontaneous na pagbigay tulong na ipinakita ni Muelmar Magallanes, ng sundalo at CAFCU na sina Pfc. Venencio Ancheta at Cpl. Adriano Regua at ni Judge Ralph Lee kasama na iyong pagbigay ng maraming nating mga kababayan ng kahit na maliit na kontribusyon – pera man o mga material na bagay katulad ng mga pagkain, mga damit at ilan pang mga personal na pangangailangan ng mga nabiktima ng pagbaha ay talagang nakakataba ng puso. Habang pinapanood ko yong coverage ng ABS-CBN DZMM Teleradyo at ang ANC lungkot at tuwa ang aking naramdaman. Lungkot dahil sa hinagpis na dinanas ng mga biktima dala ng kanilang kalunos-lunos na sitwasyon at tuwa naman sa bilis na paglaki ng kontribusyon at tulong na ibinibigay ng ating mga kababayang sumusubaybay din sa sitwasyon. In a few hours and a day after ang mga nalikom na tulong ng ABS-CBN ay umabot na sa milyon-milyong pisong kontribusyon. Ang mga relief goods na nalikom ay milking ang maitutulong upang maibsan ang gutom at mga mahalagang pangangailangan ng mga nasalanta. At ang pondo naman ay siguradong makakatulong sa rehabilitasyon ng mga ito. Kaya yong mga pagtulo ng aking luha ay dala pareho ng dalawang magka-ibang opposing sitwasyon – Kalungkutan dala ng dalamhati sa kalunos-lunos na sitwasyon ng mga biktima at katuwaan sa spontaneous at voluntary help na ibinigay naman ng ating mga kababayan na nasa maayos na sitwasyon.

Kung mayroon mang isang mahalagang leksyon na ating nakuha dito sa malagim na pangyayari dala ng bagyong Ondoy ito ay ang kahalagahan ng pagsama-sama at pagtutulungan ng bawat isa sa atin. Ng dahil sa tulong ng kapwa naibsan kahit papaano ang malungkot at kalunos-lunos na karanasan ng ating mga kababayang nabiktima ng malagim na sitwasyon. Mahalaga ang pagtutulungan. Sa pamamagitan nito hindi lamang nating nabibigyan ng kasiyahan ang nangangailangan, atin ding nai-aangat ang magandang imahe ng lahing Pilipino.

Kaya sa ating mga tagasubaybay na mga OFWs itong kahalagahan ng pagtutulungan ay laging isa-isip natin. Sa ating kalagayan bilang dayuhan sa ibang bansa ang tulong ng kapwa OFW ay napakalaking bagay sakaling tayo ay malagay sa isang hindi magandang sitwasyon. Walang ibang tutulong sa atin kundi ang ating kapwa Pilipino. Posibleng ito ay mga tauhan ng ating pamahalaan kung sakaling mapaabot agad sa atensyon ng ating embahada ang ating hindi magandang kinalalagyan. Subalit kung tayo ay nasa malayong lugar ang tanging makakatulong agad sa atin ay ang ating kapwa OFWs. Kaya ating panatilihin ang pagkakasundo ang pagka-intindihan sa kapwa OFW, ang pagkakaibigan, ang pagtutulungan. Ating panatilihin ang kadakilaan ng Pilipino na ating nakita sa spontaneous desire to help our suffering countrymen. And maybe doon sa mga nais tumulong pa sa mga biktima ni Ondoy at Pepeng maari kayong magbigay ng donasyon sa Philippine National Red Cross, sa DSWD o dito sa ABS-CBN Sagip Kapamilya Foundation. Ating panatilihin ang kadakilaan ng Pilipino.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay.

as of 10/24/2009 11:12 PM

TULUNGAN MO ANG MGA BIKTIMA NG BAGYO

Salamat sa mga bagong bayaning pinoy.DAPAT NATING TANGGALIN ANG DSWD SECRETARY DAHIL SA PAGTATAGO NG MGA DONATION.Ibinigay ang donation sa mga nabiktima ng bagyo at hindi iyon ibinibigay sa gobyerno ng Pilipinas,dahil alam na nilang walang gobyerno para sa mga tao.Dapat tanggalin sa trabaho, magbigay lang ng donasyon hindi pa niya magawa.
Wala na namang ginagawa ang gobyerno.Mga loko sila hindi para sa kanila iyan. NASAAN NA ANG DOJ AT OMBUDSMAN.KAYONG MGA WRITER BAKA PUEDE NINYONG IPARATING ANG MGA BAGAY NA ITO. MABUHAY SI ELLA KUNDI DAHIL SA KANYA MAIBEBENTA NA ITO SA MERKADO. MABUHAY KA KABAYAN,IKAW NA LANG SANA ANG PUMALIT,DAHIL ALAM NAMIN KAYA MONG IPAMIGAY SA MGA BIKTIMA NG BAGYO ANG MGA PAGKAIN AT GOODS NA ITINAGO NG DSWD.

Video


More Videos