Ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagka-unawaan - Pat A. Sto Tomas


ALAM BA NINYO | PAT A. STO. TOMAS | 10/31/2009 5:34 PM

Kung ating obserbahan ng maigi ang takbo ng ating pamahalaan ang isang bagay na agad ay ating makikita ay ang kawalan ng pagkakaisa at pagkakaunawaan sa marami sa ating mga namumuno at mga halal na opisyales ng bayan tungkol sa plano at direksyon ng pamamahala at sa mga programa na dapat ipatupad. Kahit na ang mga magaganda at maayos na mga proyekto na nais ipatupad ng mga nasa kapangyarihan ay kinikwestyon ng mga nasa kabila imbes na suportahan upang mapadali ang pagpapatupad at makamit naman ng taong bayan ang mga benepisyo nito.  Ito ang nagiging sanhi ng mabagal na pag-usad ng ating bansa at tayo ay napag-iiwanan ng ating karatig bansa sa Asya.

Kung sabagay ang mga ganitong sitwasyon ay hindi nangyayari lamang sa pulitika sapagkat ito ay atin ding nakikita sa araw-araw. Kahit sa mga paaralan ating nakikita ang pagkakahiwa-hiwalay ng mga estudyante at kahit na ng mga guro. Atin ding nakikita ang hindi pagkakaisa ng mga tsuper ng mga jeepneys, buses, o mga tricycles. Sa mga kompanyang ating pinagtatrabahuhan, sa mga samahang sibika at kahit sa mga magkakapit-bahay parang normal na ang hindi pagkakaisa at pagkaka-unawaan.

Itong ating kakulangan ng pagkakaisa at pagka-unawaan ay isang bagay na marahil ay ating bigyang pansin at hanapan ng solusyon sapagkat ito ay nakaka-apekto hindi lamang sa ating national development kundi pati na rin sa imahe ng marami sa ating mga OFWs. Naala-ala ko noong ako ay sa POEA pa noong eighties. Kasagsagan noon ng infrastructure development sa Middle East lalo na sa Saudi Arabia kung saan malaki ang naging kontribusyon ng ating mga skilled OFWs. Tuwina lamang pag ako ay napadako roon at nakakasalubong ang mga bigtime contractors, kahit ang mga ito man ay mga Arabo, Amerikano, French o Koreano, kanilang pagmamalaking sinasabi sa akin na “This  bridge… This building.. This highway…. This… That are built by Filipino workers”.  Subalit ito ay may kaakibat na katanungang “How come your Filipino construction companies cannot compete with us?”

Oo nga naman. Kung ang mga malalaking proyektong yon ay gawa ng mga OFWs bakit ang ating mga local na construction companies na nagtangkang pumasok at sumali sa construction boom noong panahong yon ay hirap makipag kompetensya? Ako ay nagtanong-tanong at aking napag-alaman na sa marami nating mga OFWs nong panahong yon pag ang kanilang boss ay isang dayuhan, malaki ang kanilang paggalang at pagtingin dito at sila ay talagang nagiging masipag at masunurin. Subalit kung ang supervisor o manager ay kapwa Filipino ang sa isip daw kadalasan ng ilan sa ating mga OFWs ay;  “O, maniwala  ka riyan. Pareho lang natin yan. Baka mas magaling pa tayo diyan.” Kaya maganda ang performance nitong mga dayuhang kompanya na majority sa kanilang workforce ay mga OFWs sapagkat ang kanilang mga supervisors at mangers ay mga dahuhan na kadalasan ay mga puti at ang mga ito ay talag namang binibigyan ng buong suporta at pagsunod ng ating mga kababayang construction workers.

Hindi ko alam  kung ano ang dahilan ng ganitong kaisipan at kung ito ba ay namamayani pa rin sa paniniwala ng  marami sa ating mga OFWs sa kasalukuyan. Marahil ang isang  dahilan ay inggit sa kapwa nating OFW na sinuwerteng magkaroon ng supervisory position. Whatever, ito ay isang halimbawa ng kakulangan ng pagkakaisa at pagka-unawaan na nagbibigay ng negatibong epekto hindi lamang sa competitiveness ng ating mga local na kompanya  sa international market kundi pati na rin sa imahi natin bilang isang bansa. Naala-ala ko tuloy ang kwento ng isa kung kaibigan na nasa United States na doon daw sa kanilang lungsod sa California there are as many associations of Filipinos as there are provinces with distinct dialects represented. Doon daw ay walang isang samahan ng mga Filipino migrants at residents subalit mayroong samahan ng mga Cebuano, ng mga Ilonggo, ng mga Pampangueño, ng mga Ilokano at iba pa.

Nabanggit ko ang isyung ito sapagkat para sa akin ano man ang probinsyang ating pinanggalingan, una sa lahat at ano pa man ang mangyayari tayo ay Pilipino pa rin. Iisang bansa lamang ang ating pinanggalingan at ang kapakanan at kinabukasan ng bansang ito ay nakasalalay sa atin. Ano man ang papel na ating ginagampanan tayo ay Pilipino pa rin at ang ating pag-uugali na ipinakikita ay magbibigay impression lalo na sa isang dayuhan kung ano ang  Pilipino.

Doon naman sa kaisipan ng ilan sa atin na ang kinabukasan ng ating bansa ay nakasalalay sa sino mang namumuno nais ko lamang linawin na totoong malaki ang magagawa ng namumunong Pangulo ng bansa upang mapabuti ang ating inabukasan. Subalit kung tayo ay walang pagkakaisa at pagkaka-unawaan tungo sa layuning ito, at kung hindi nating gagampanan ng mabuti ang ating mga responsibilidad tungo sa layuning ito, wala ring gaanong makakamtan at ang balaking mapabuti ang kalagayan ng bansang Pilipinas at ng bawat isang Filipino ay mananatiling panaginip lamang. Mahalaga na tayo ay magkaisa at magkaunawaan alang-alang sa ating magandang kinabukasan.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay.
 

as of 10/31/2009 5:34 PM

Video


More Videos