Mahalaga ang paghahanda - Pat A. Sto Tomas
Ang nakaraang mga kalamidad dala ng dalawang magkasunod na bagyo na nagdulot ng sobrang pagbaha sa malaking bahagi ng Metro Manila at ng Central at Northern Luzon ay isang malagim na paalaala sa atin sa kahalagahan ng paghahanda.
Kung sabagay ang kahalagahan ng paghahanda ay hindi na bago para sa atin sapagkat maliit pa man tayo at nagsisimula pa lamang mag-aral sa elementarya tayo ay na-expose na at marahil ay nagging kasapi pa sa Boy Scouts o Girl Scouts kung saan ang motto at ang kaisipang laging ipina-ala-ala sa mga bata ay: “Laging Handa.” Kaya nga lang dahil naman siguro sa kadalasan ay nagiging maayos ang ating bukas at maalwan naman ang mga pinagdadaanan, kung minsan ang kahalagahan ng mensaheng ito ay ating nakakaligtaan.
Kaya naman pag dumating ang mga hindi inaasahang uri ng kalamidad katulad nga ng nangyari tayo ay nagugulantang lalo na kung tayo ay kabilang doon sa mga libo-libong naging biktima ng nasabing kalamidad. Kaya mula ngayon makakabuti marahil kung ang paghahanda ay ating bigyan ng kaukulang pansin.
Sa ating mga nakitang pagbaha at sa mga naging epekto nito sa marami nating mga kababayan ang isang mahalagang paghahanda lalo na sa ating mga OFWs na nagsisimulang mag-ipon upang makapagpatayo o magkaroon ng sariling bahay ay ang pagplano ng nararapat na lokasyon nito.
Ating piliin ang lugar na medyo mataas ng kaunti na sa ating palagay ay ligtas ito sa pagbaha kahit na lumakas pa man ang pagbuhos ng ulan katulad ng bagyong Ondoy.
Ayon sa mga dalubhasa ang bagyong Ondoy ay nagbuhos ng malakas na ulan sa loob lamang ng wala pang kalahating araw na katumbas ng ulan na normally ay bumabagsak sa loob ng isang buwan. Ang ganitong pangyayari ay dapat nating isa-isip pag naghahanap ng lugar na pagpapatayuan ng bahay.
Subalit kung sakali naman na talagang walang makuhang mataas na lugar bilang lokasyon, makakabuti marahil kung ating pag-planohang mabuti ang pagkakaroon ng dalawang palapag na tahanan at ng sa gayon tayo ay may maakyatan at mapagdalhan ng mga kagamitan kung sakali mang bumaha.
Nakakalunos iyong ating mga makita na sa isang ilap lang nasira ang lahat ng ating mga pinaghirapan at pinagipunang ipundar ng ang mga ito ay malunod sa baha at mapuno ng putik at hindi na mapakinabangan pa. Maliban marahil sa mga furnitures na kahoy na pwede pang linisin at mapakinabangang muli.
Ngunit kung tayo naman ay nakakuha na ng bahay sa lugar na binabaha nga o posibleng bahain, marahil makakabuti kung ating pag-planuhan ang uri ng mga kagamitan na ating bibilhin. Katulad halimbawa ng full wooden sala set kaysa sa upholstered na sala set. Sa mga kama naman baka makakabuti kung imbes ng yong usual mattresses ay yong inflatable plastic or rubber beds na lang ang ating bibilhin. Sa ating mga nakita sa TV noong kasagsagan ng pagbaha at kasunod na rescue operations malaking tulong ang naibigay noong mga inflatable beds na naging parang rubber boats pa at nasakyan ng mga bata.
Makakabuti rin marahil kung tayo ay may stand-by na aluminum stairs na may kataasan upang magamit natin sa madaliang pag-akyat sa bubungan ng bahay kung kinakailangan. After all, ang ganitong uri ng portable stairs ay magagamit din natin sa pang araw-araw na maintenance ng bahay at kapaligiran.
Of course, napakahalaga iyong may mga nakaimbak tayong pagkain sa bahay. Kung kaya din lang natin mahalaga na mayroon tayong makapag-imbak ng supisyenteng supply ng bigas na nakaimbak kasama na ang mga gulay, isda, karne at ilan pang mga pang araw-araw ng pangangailangan.
Sa akin, normal na yong weekly marketing at pag-imbak ng mga lulutuin at mga grocery items good for one week or more at ang pagbili muli ng mga ito pag nakikita kung medyo paubos na ang supply. Sa akin, ito ay parang kaugalian na lamang na nagbibigay din ng personal convenience hanggang sa makita ko sa TV ang naging epekto ang pagbaha sa ating mga kababayan at na-realize ko na ito pala ay isang napakahalagang paghahanda para sa bukas and not merely an act of personal convenience.
Doon naman sa atin na may kaugaliang mag-ipon ng tubig dahil nga sa hindi laging available ang supply ng tubig in strong volume, baka makakabuti kung maliban sa milking pen drum ay magkaroon din tayo ng ilang pirasong plastic containers na may saraduhan. Itong may mga kalakihang plastic containers na naglalaman ng mga twenty liters of water ay puwedeng maging salbabida just in case na may pagbaha at malaki ang maitutulong nito upang tayo ay hindi malulunod habang tayo ay palutang-lutang sa tubig baha.
Itong ating mga nabanggit ay ilan lamang sa mga paghahanda na maari nating tingnan at gawin upang makatulong sakali lamang na magkaroon muli ng pagbabaha at ang ating kinatitirikang bahay ay posibleng madamay dito. Marami pa actually ang pwedeng gawin at ito ay ating mapag-isipan kung atin lamang bibigyang ng pansin.
Subalit hindi lamang bagyo at pagbaha ang kalamidad na maaring tumama sa atin. Mayroon ding mga paglindol at ang tsunami na dala nito, mga landslide dala ng malakas na pag-ulan. Mayroon ding sunog, mga buhawi at thunderstorms na may nakakamatay na kidlat.
Maraming natural calamities ang kasalukuyan ay nagyayari sa ibat-ibang bahagi ng mundo na marahil ay dala na rin ng ating walang patumanggang pagsira sa kapaligiran.
Ang mahalaga, ito ay ating paghandaan.
At sa ating mga OFWs na kasalukuyan ay nasa ibang bansa at hiwalay sa mga mahal sa buhay na naiwanan dito sa atin, makakabuti marahil kung ang ilan sa mga ideyang ating nabanggit sa itaas ay ating ipaalam sa ating mga mahal sa buhay.
Mahalaga ang paghahanda. At kasama dito ay ang pag-iingat. Makakawa ay huwag nang maulit pa ang mga pahirap na dinulot ng bagyong Ondoy at Pepeng.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay.