Mahalaga ang pag-iimpok - Pat A. Sto. Tomas
Marami tayong nalaman na mga kaso ng mga OFWs na matapos magkapahirap sa pagtatrabaho ng mahabang panahon sa ibang bansa pagbalik dito sa atin sa kanilang pagtanda ay problema pa rin ang kinaharap. Para bagang walang kinahinatnan ang pagsusumikap na mapaganda ang kalagayan ng pamilya at lalo na ang kalagayan ng sarili pagdating ng panahon na kailangan ng magretiro sa pagtatrabaho at mamahinga na lamang sana. At ang dahilan nito kadalasan ay ang kakulangan ng pagpaplano at paghahanda para sa kinabukasan o kung mayroon man ay ang hindi pagsunod ng husto sa plano.
Sa halos lahat ng ating OFWs ang layunin at pangunahing mithiin sa pag-alis ng Pilipinas at magtrabaho sa ibang bansa ay upang mai-ahon sa kahirapan ang pamilya at mabigyan ng kaginhawaan ang mga anak sa pang araw-araw na pamumuhay. Kasama na rito ang layunin na mapag-aral ang mga anak at mapatapos sa kolehiyo upang sila naman ay maging handa sa pagharap sa kanilang sariling kinabukasan. Ng dahil sa layuning ito normal lamang sa pamilya ng OFW na ang remittances na tinatanggap buwan-buwan ay ibinubuhos sa mga pang araw-araw na kailangan upang mai-angat ang kondisyon ng pamilya at mabigyan ang mga bata ng kaginhawaan sa buhay. Kung malaki-laki ng kaunti ang kinikita at humihigit sa pang araw-araw na kailangan ang remittances ang sobrang pera kadalasan ay napupunta sa pagbili ng mga home appliances at iba pang mga additional needs katulad ng mga furnitures pati na ang mga personal kits katulad ng mga pagpapaganda, mga damit at kung ano pang mga pangangailangan na normally ay hindi naiisip at nabibigyang pansin kung ang kinikita ay sapat lamang sa talagang mga basic needs ng pamilya. Sa maraming sitwasyon kung ang income ng isang OFW ay may kalakihan ng kaunti ang sumusunod na focus ng pinagkakagastusan ay ang pag papaayos ng bahay o ang pagbili o pagpapatayo ng bagong bahay sa medyo mas magandang lugar and eventually ay ang pagbili ng sasakyan para sa pamilya. Kaya kung ikaw halimbawa ay mahilig mag-ikot sa mga probinsya iyong makikita sa mga highway ang magagandang bahay na medyo bukod kaysa sa karamihan ang hitsura at kung ikaw ay usisero at magtatanong kung sino ang mga may-ari ng mga ganitong bahay ikaw ay magugulat sapagkat most likely ang sasabihin sa iyo ay mga OFWs ang mga nagmamayari niyan. Dapat lang naman sapagkat ang layunin nga ng OFWs ay mabigyan ang pamilya ng maayos na uri ng pamumuhay.
In short, nagiging maayos at matiwasay ang standard of living ng pamilya ng ating mga OFWs. At ito naman ay nagbibigay ng kasiyahan at dagday na kaalaman sa mga bata dala ng kanilang exposure sa iba at makabagong environment. At ito ay dahil sa maliban sa pagmo-malling ang mga bata ay maaring nabibigyan pa ng pgakakataon na makapag-bakasyon hindi lamang sa tourist spots dito sa atin kundi marahil sa ibang bansa rin.
Ang problema lamang sa ganitong kaugalian ay, in a sense, hindi kompleto ang paghahanda para sa kinabukasan. Of course pwedeng sabihin na ang pagpundar ng bahay, mga kagamitan at sasakyan ay paghahanda para sa kinabukasan. Lalo na ang pagpapa-aral sa mga anak sa mga kilalang eskwelahan. Totoo, ito ay paghahanda. Subalit maliban sa pagpapa-aral sa mga anak ito ay hindi sapat na paghahanda sa kinabukasan. Ang bahay at mga kagamitan ay maaring mawala sa isang iglap katulad kung may nangyayaring sunog, lindol o baha. Itong ating nakinta pagbaha dala ng bagyong Ondoy at Pepeng na lumubog ang mga bahay at mga kagamitan na ang karamihan ay hindi na pwedeng gamitin pa ay isang kalunos-lunos na pagkawala sa isang iglap ng mga pinaghirapang paghahanda ng mga may-ari nito. At alam natin na marami sa mga kabahayang ito na lumubog sa baha ay mga pagmamay-ari ng ating mga OFWs. Sa nangyaring ito para bagang nawalan ng saysay ang lahat ng paghihirap at paghahanda ng mga nabiktimang OFWs.
Kung mayroon mang isang mahalagang aral na dapat nating matutuhan sa ating nakita sa nangyaring pagbaha, ito ay ang kahalagahan ng pag-iimpok o pagkakaroon ng savings deposit. Ang ibig kong sabihin ok lang yong mga material ang other preparations na ating ginagawa subalit mas maigi siguro kung tayo ay mayroon financial management program kung saan una sa lahat ay ang paglaan ng bahagi ng ating kinikita buwan-buwan sa isang savings deposit at ang maiwan ay siya nating pagkasyahin sa mga material na pangangailangan ng ating pamilya. Hindi yong una muna ang paggastos para sa ating mga pangangailangan –basic or perceived needs – at kung sakaling may matira man sa ating pera ay siya nating inilalagay sa ating savings deposit. Ang ganitong uri ng financial management ay hindi magdudulot sa atin ng supisyenteng savings sapagkat kung ating titingnan ang ating karanasan para bagang walang katapusan ang mga bagay na maaring bibilhin. Kaya kadalasan ay walang naiiwan para itabi at ihulog sa ating savings.
Mahalaga ang pagkakaroon ng forced savings program at ito ay hindi mahirap gawin sapagkat maraming mga banko ang may mga programang handang ibigay sa atin. Posibleng mag-umpisa tayo sa ordinaryong savings deposit na paglumaki na ng kaunti ay pwedeng ilipat sa time deposit o mga ibat-ibang klase ng bonds o di kaya ay treasury bills. Maraming mga instrumento ang pwedeng paglagakan ng ating savings na magbibigay sa atin ng additional income. O di kaya naman ay ang bahagi nito ay maari nating magamit na pang-umpisang kapital sakaling nais nating pumasok sa pagnenegosyo kung ayaw na nating magtrabaho sa ibang bansa.
Para sa akin ang isang pinakamahalagang paghahanda para sa kinabukasan na magagawa ng isang OFW at ng kanyang pamilya ay ang paglaan ng isang fixed percentage o specific na halaga mula sa monthly remittance ng OFW para sa family savings na nakapasok sa banko. At dapat ito ay religiously na ginagawa. Sabi ko nga before anything else savings deposit muna at kung ano ang matira sa monthly remittance ang siyang pagkasyahin sa pangangailangan ng pamilya. Alam naman natin na may mga bagay na maaring mangyari at pagkakagastusan at dahil dito ay napakahalaga ang pagkakaroon ng savings. Katulad ng pagkakasakit o ito ngang pagbaha at pagkasira ng lahat na kagamitan kasama na ng bahay.
Kung may savings ang pamilya kahit papaano ay maibsan ng kaunti ang paghihirap at maaring makaahon mula sa pagkasadlak. Subalit hindi lamang yan. Sa panahon ng ating pagdesisyon na huminto na sa pagiging OFW ang ano mang alternatibong aktibidades na ating nais pasukan upang may patuloy na pagkakakitaan ay mapadali kung tayo ay may sapat na savings na magamit para dito.
Ang pagkakaroon ng savings program ay isang mahalagang paghahanda para sa kinabukasan. Nawa ito ay hindi makalimutan ng ating mga OFWs at ng kanilang pamilya. Iba na yong may nakalaan tabi kahit papaano. Kung sakaling kakailanganin natin ang pera ng daglian dulot ng anumang sitwasyon iba na yong mayroon nakalaan kahit kaunti. At lalo na kung ito ay marami o malaki. Kaya ating paghandaan ang ating kinabukasan. Let us forcibly set aside certain percentage of our monthly remittance to a saving program.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay.