Ang mga napag-usapan sa GFMD—Pat Sto. Tomas


ALAM BA NINYO | PAT A. STO. TOMAS, abs-cbnNEWS.com | 12/07/2008 3:34 AM

Nabanggit ko sa isa sa mga nakaraang kolum ang Global Forum on Migration and Development (GFMD) na ginanap dito sa atin noong nakaraang Oktubre. Noong isang araw nakita ko ang report ni Usec Esteban B. Conejos, Jr. ng DFA na siyang Chair ng Forum tungkol dito at naisip ko na mainam marahil kung ito ay ating bigyan pansin para naman sa kalaman ng ating mga tagasubaybay na mga OFWs. After all, ang kapakanan ng mga OFWs ang siyang pangunahing dahilan kung bakit nag-offer ang ating pamahalaan na mag-host ng Forum na ito.

Ayon kay Usec Conejos, pinili ng ating pamahalaan ang temang “Protecting and Empowering Migrants for Development” para sa second Forum upang itoon ang pag-uusap sa kahalagahan ng pagbibigay proteksyon at pagpapahalaga sa mga migrant workers at sa kanilang mga pamilya imbes na sa palagian na lamang na pinag-uusapang epektong pang ekonomiya ng migration.

Totoo nga naman. Alam na natin na malaki ang naitutulong ng mga migrant workers sa ekonomiya ng kanilang bansa sa pamamagitan ng kanilang mga remittances at sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan sa pamamagitan naman ng pagtatamasa nito ng kanilang mga kaalaman at kakayahan. Subalit ang malaking katanungan ay: Ano naman ang ginagawa ng mga bansang ito upang mabigyan proteksyon at pagpapahalaga ang mga migrant workers at ang kanilang mga pamilya?

Dahil sa magandang layuning ito, nagkaroon ang Forum ng tatlong Roundtable Discussions na tumalakay sa tatlong malahalagang issues : una ay ang “Miration, Development and Human Rights”; ikalawa ay ang “Secure, Regular Migration Can Achieve Stronger Development Impact”; at ikatlo ay ang “Policy and Institutional Coherence and Partnership.”

Ayon kay Usec Conejos naging matagumpay ang Forum dahil sa mga naipresenta na mga magagandang pag-aaral, pilot programs at best practices ng mga iba’t-ibang bansa. Maraming mga impormasyon at mga kaalaman ang lumabas na nakapagbigay ideya sa mga participants kung papaano lalo pa nilang maabot ang makahulugang pagbibigay proteksyon sa mga migrant workers upang ang mga ito naman ay makakatulong ng husto sa development process ng kanilang mga bansa at ng bansang pinagtatrabahuhan.

Proteksyon

Sa Roundtable 1 halimbawa nabigyang pansin ang mga kondisyones ng pamumuhay ng mga migrant workers at kung paano ang pagbibigay proteksyon at pagpapahalaga sa kanila ay nakakapagdulot ng kabutihan hindi lamang sa kanila at sa kanilang mga pamilya kundi pati na rin sa bansang kanilang pinagmulan at pinagtatrabahuhan. Napagkasunduan ng mga participants na dapat lamang pag-ibayuhin ang pagbibigay proteksyon sa mga migrant workers dahil sa ito ay hindi lamang tunay nilang karapatan kundi ito ang tamang gawin.

Ang mga manggagawa ang pinakamahalagang kayamanan ng anumang bansa at ang pag-unlad nito ay hindi mangyayari hanggang sa ang mga manggagawa ay malulusog, edukado, may mga trabaho at nakakabigay ng mabuting pag-aalaga sa kanilang mga pamilya. At ang mahalaga, nakita ng mga participants na ang pagbibigay proteksyon at pagpapahalaga sa mga migrant workers ay hindi tanging responsibilidad lamang ng kanilang bansa. Ito ay responsibilidad din ng bansang pinagtratrabahuhan. In short, workers protection is a shared responsibility of both the labor-sending and labor-receiving countries.

Sa Roundtable 2 naman ay napag-usapan ang kahalagahan ng pagpapatupad ng isang regular migration program lalo na ng labor receiving countries - isang programa na accesible sa lahat, transparent at non-discriminating o walang pinapanigan o pinapaboran. Ang pagpapatupad ng maayos sa ganitong programa ay makakabawas o makakapahinto sa tinatawag na “Migrant smuggling and trafficking in persons.”

Nakita ng mga Participants ang malubhang epekto ng migrant smuggling and trafficking kung saan ang mga biktima ay dumaranas ng pang-aapi mula sa kanilang mga employers katulad ng hindi tamang pasahod, pananakit physical at psychological at minsan naman ay sexual abuse pa sa kaso ng mga female migrants.

Ang hindi tamang pasahod ay nakakaapekto ng malubha sa pamilya ng mga migrant workers sapagkat nalilimitahan ng husto ang suportang naipapadala ng migrant worker sa kanyang pamilya. Dahil dito nakita ng mga participants ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kasunduan katulad halimbawa ng Bilateral Labor Agreements between the labor-sending at labor-receiving countries para siyang mag-govern sa movement ng migrant workers.

Limitado at kulang

Naalala ko tuloy na dito sa atin ay matagal na nating ipinagdidiinan ang mga ideyang ito sapagkat hindi sapat ang proteksyon na naibibigay ng ating pamahalaan sa ating mga OFWs pag sila ay nasa ibang bansa na. Kahit na ba tayo ay may mga embahada o konsulada at POLO offices sa bansang pinupuntahan ng ating mga OFWs limitado pa rin ang kanilang magagawa. Ang pagbibigay proteksyon sa mga OFWs laban sa mga mapagsamantala o abusadong foreign employers ay pangunahing responsibilidad pa rin ng pamahalaan ng bansang ating pinagtatrabahuhan.

Kaya ating ginawa ang patuloy na pakipagtalastasan sa mga pamahalaan ng mga bansang ito na nagresulta naman sa pagkakaroon natin ng walumpu’t dalawang (82) Bilateral Labor Agreements (BLA) sa limampu’t siyam (59) na destination countries ng ating mga OFWs. Kahit papaano itong mga BLAs ay malaki ang naitutulong upang mabigyan proteksyon at halaga ang kapakanan ng ating mga OFWs.

Aking inaasahan na dahil sa Forum na ito ay lalong mapapangalagaan ang kapakanan ng ating mga OFWs. Kahit na ba sabihin natin na ang Pilipinas ang nangungunang bansa na may organisadong programa sa labor migration, sa totoo lang marami pa rin sa ating mga OFWs ang nagkakaroon ng problema sa mga bansang kanilang pinagtatrabahuhan. Kaya ang ating mga embassy, consulate at POLO staff ay hirap pa rin na mabigyan ng nararapat na assistance ang lahat na OFWs na pumupunta sa kanila at humihingi ng tulong.

At kadalasan, ang kahirapan ng mga staff na tumulong ay napapasidhi ng katotohanan na ang OFW na humihingi ng tulong ay isa palang illegal migrant worker dahil sa siya pala ay naging biktima ng illegal recruiter at hindi legally documented. Ito ang ating napakabigat na problema lagi.

Kaya sana ay ating pagsabihan ang ating mga kaibigan o mga kamag-anak na nagnanais na maging OFW na dumaan sa legal na proseso sa POEA at siguraduhin na ang entry visa sa bansang pupuntahan ay hindi tourist visa kundi totoong working visa.

Maraming Salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay.

Ang e-mail address ni Pat Sto. Tomas ay abscbn.stotomaspat@gmail.com.

as of 12/07/2008 3:34 AM

Video


More Videos